Kautusan hinggil sa paggamit ng e-cigarette at vape, pinag-aaralan na!

MATATANDAANG, marami nang insidente ang nangyari dahil sa paggamit ng e-cigarrete at vape.
Marahil, ito ay dahil na rin sa mga ibinebentang peke o pangit na kalidad na tinatangkilik, partikular ng mga kabataang wala talagang kakayahang makabili nito.
Kaya naman, napagdesisyunan ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III na atasan ang Food and Drug Administration (FDA) na magsagawa ng kautusan hinggil sa paggamit ng nasabing mga electronic device.
Gayunman, inamin ni Sec. Duque na ang mga electronic nicotine at non-nicotine delivery system ay hindi nakasaklaw sa administrative order na inilabas noong 2014 dahil sa mga technological development.
Kaya para masiguro ang kaligtasan at kalusugan ng nakararami, kasalukuyan na nila itong pinag-aaralan upang makagawa ng draft ng Implementing Rules and Regulations (IRR).
Samantala, sa oras na maisulat na ang draft ng IRR, mainam kung maaaprubahan ito sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan.
Sa katunayan, tulad ng paninigarilyo, ang e-cigarrete at vape ay hindi rin ligtas na gamitin ng tao, kaya dapat pa ring limitahan ang paggamit nito, lalo na ngayong kung saan-saan, eh, may makikita nalang tayong bumubuga ng usok na sa totoo lang, para sa iba ay perhuwisyo ito.
Hindi natin pinahihinto ang mga tumatangkilik ng nasabing device, pero bilang respeto at pakikisama sa kapwa natin Pilipino, mainam kung may sinusunod pa ring batas para rito.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments