Karapatan ng mga construction worker
- BULGAR

- May 19, 2019
- 3 min read
MARAMI sa ating mga kababayan ang nabibilang sa mga nagtatrabaho sa construction companies na gumagawa ng mga kalsada, naglalakihang condominium units at gusali. Mahalaga ang gampanin nila sa pamayanan kaya naman ang estado, sa pamamagitan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ay nag-isyu ng Department Order upang mapangalagaan ang kanilang mga karapatan.
Sa bisa ng DOLE Department Order No. 19 (Series of 1993), ang mga karapatan ng mga construction worker ay napangangalagaan. Ang mga construction industry na tinutukoy ng nasabing Department Order ay maaaring nasa kategorya ng (a) General Building Construction, (b) General Engineering Construction at (c) Special Trade Construction base sa klasipikasyon ng Philippine Construction Accreditation Board of the Construction Industry of the Philippines (PCAB).
Sa ilalim ng nasabing Department Order, may dalawang kategorya ang mga nagtatrabaho sa konstruksiyon. Sila ay ang mga (a) project employee at (b) non-project employee. Ang mga project employee ay ang mga empleyadong kinuhang magtrabaho para sa partikular na construction project o gagawa lamang ng isang bahagi ng proyekto kung saan sila itinalaga. Ang mga non-project employee naman ay ang mga trabahador na hindi itinalaga sa partikular na proyekto o bahagi ng proyekto. Sila ang mga probationary employee, regular employee o casual employee.
Ang mga sumusunod na indikasyon ang magsasabi kung ang construction worker ay itinuturing na project employee:
a) Duration of the specific undertaking for which the worker is engaged is reasonably determinable (ang panahong gugugulin sa paggawa ng nasabing proyekto ay nakatakda at tiyak);
b) Such duration as well as the specific work/service to perform is defined in an employment agreement and is made clear to the employee at the time of hiring (ang haba ng panahong gugugulin at ang partikular na trabaho ng mga trabahador ay dapat maging malinaw sa trabahador noong araw na siya ay kinuha upang magtrabaho);
c) The work/service is performed by the employee is in connection with the particular project/undertaking for which he is engaged (ang trabaho ay may kinalaman sa proyektong napagkasunduan);
d) The employee, while not employed and awaiting engagement, is free to offer his services to any employer (ang empleyado habang hinihintay ang araw kung saan kinakailangan ang kanyang serbisyo ay maaaring ialok sa ibang employer ang kanyang serbisyo);
e) The termination of his employment in the particular project/undertaking is reported to the DOLE Regional Office having jurisdiction over the workplace within 30 days following the date of his separation from work, using the prescribed form on employees’ terminations/dismissals/suspensions (ang pagtatapos ng trabaho para sa partikular na proyekto ay dapat maipaalam sa DOLE Regional Office na nakasasakop sa pinagtatrabahuhan sa loob ng tatlumpung [30] araw kasunod ng pagtatapos ng trabaho);
f) An undertaking in the employment contract by the employer to pay completion bonus to the project employee as practiced by most construction companies (ang pangako sa kontrata ng pagtatrabaho na magbabayad ang employer sa project employee ng completion bonus).
Sa panahon na nagtatrabaho ang nasabing mga construction worker, anuman ang kanilang kategorya ay makatatanggap ng mga benepisyo (monetary or non-monetary) na itinatakda ng batas.
Ang project employee na nakabuo ng isang (1) taong serbisyo ay maaaring maging regular na empleyado kapag sa araw na kinuha ang kanyang serbisyo ay hindi nila napagkasunduan ng kanyang employer ang tiyak na araw (day certain) na matatapos ang kanilang employer-employee relationship. Ang project employee na naging regular na empleyado ay magkakaroon ng seguridad sa kanyang trabaho. Kaugnay nito, hindi ito maaaring tanggalin sa kanyang trabaho maliban kung may legal o awtorisadong dahilan. Kapag ito ay natanggal sa kanyang trabaho, ito ay mababayaran ng kaukulang separation pay.




Comments