Huli sa akto | BEYBI, INABUSO NI UNCLE
- Maeng Santos
- May 18, 2019
- 1 min read

KULONG ang isang lalaki matapos ireklamo ng kanyang nakatatandang kapatid ng pangmomolestiya sa isang taong gulang niyang anak sa Navotas City.
Sa tinanggap na ulat ni Navotas Police Chief P/Col. Rolando Balasabas, alas-9:00 ng umaga nang iwanan ng 39-anyos na ginang ang kanyang sanggol na anak na babae sa tabi ng kanyang 26-anyos na kapatid na itinago sa pangalang ‘Jojo’, walang hanapbuhay at nakatira sa bahay ng kanyang ate.
Nang silipin ng ginang ang anak, nakita umano nito na tatlong beses na hinalikan ng kanyang kapatid ang sanggol na hindi niya binigyan ng malisya sa pag-aakalang nasasabik lang sa pamangkin ang suspek.
Gayunman, nang muli niyang silipin ang anak, laking-gulat ng ginang nang maaktuhang inuupuan na ng kanyang kapatid ang sanggol niyang anak kaya dali-dali niyang kinuha ang bata.
Nagsumbong ang ginang sa mga nagrorondang opisyal ng barangay na naging dahilan upang arestuhin ang suspek na ngayon ay nahaharap sa kasong acts of lasciviousness sa piskalya ng Navotas City.





Comments