Ambassador ng ‘Pinas sa Canada, nakauwi na

DUMATING na kahapon ng madaling-araw si Philippine Ambassador to Canada Petronila P. Garcia lulan ng Philippine Airlines Flight PR119 mula Toronto, Canada.
Ang pag-uwi ni Garcia ay sanhi ng kautusan ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin matapos mabigo ang Canada na tugunan ang hiling ng Pilipinas na kunin ang mga basurang itinambak dito sa bansa.
Sinalubong si Garcia ng staff ng Department of Foreign Affairs sa Ninoy Aquino International Airport habang inasikaso naman ito ng Manila International Airport-Public Affairs Office.
Ni-recall ang naturang ambassador dahil sa issue ng basura ng Canada makaraang matuklasan ng gobyerno na mga basura ang mga laman ng containers na dinala rito sa pagitan ng mga taong 2013 at 2014.
Ang mga container na dinala sa Manila International Container Port ay idineklarang plastic para sa recycling pero, ang laman pala ay tone-toneladang basura.
Marami pang basura ang nasa storage ng Manila Port habang ang iba nito ay nadala na sa landfill site.
Noong 2016, ipinag-utos ng korte sa Pilipinas na ibalik ang basura sa Canada na ang gagastos ang mismong inporter nito.





Comments