SA WAKAS, NATAPOS ANG “SUMPA” KAY TERRENCE

SA wakas ay nagwagi ng championship sa PBA si Terrence Romeo. Matapos ang siyam na taong paghihintay ay nakasikwat ng titulo si Romeo pagkaraang magwagi ang San Miguel kontra Magnolia sa Game 7 ng PBA Philippine Cup Finals. Ito ang kauna-unahan niyang titulo matapos maglaro sa GlobalPort at TNT sa kanyang karera sa PBA.
“Sobrang saya. Hindi ko ma-express ‘yung feeling. Siguro sa lahat ng bagay, ‘yung first talaga ang pinakamasarap. Kahit saan. Kahit sa pagkabata mo. ‘Yung una talaga ang pinakamasarap. First champion ko simula nu’ng naging basketball player ako. Sa barangay lang ako nag-champion,” saad ni Romeo.
Napili siya ng GlobalPort na panlima sa 2013 PBA draft kung saan siya ang naghari sa Batang Pier. Ngunit umabot lamang ang Batang Pier sa semifinals na kasama si Romeo. May mensahe naman si Romeo sa kanyang mga haters na nagsasabing siya daw ang malas sa koponan ng San Miguel.
“Mga haters ko, lagi akong mine-message sa Instagram, sa Twitter. Mine-message ako na hindi raw ako magcha-champion. Talented daw ako, nasa akin daw lahat ng award, pero never daw ako magcha-champion. Malas daw ako sa San Miguel. Gusto kong sabihin sa kanila ngayon na paki-message nila ako ulit sa Instagram ko and mamaya pag nag-post ako ng picture. Pag nag-post ako ng trophy, paki-message ako ulit lahat sila sabihin nila lahat ng gusto nila,” wika ni Romeo. (Alvin Olivar)





Comments