Kaya friends lang daw muna sila… WINWYN, IKINANTANG HINDI PA READY SI ALDEN MAKIPAGRELASYON
- BULGAR

- May 17, 2019
- 2 min read

TAKANG-TAKA si Winwyn Marquez kung bakit sila biglang na-link ngayon ni Alden Richards.
“Hindi ko rin alam,” sambit niya nang matanong sa presscon ng bago niyang teleserye sa GMA-7 na Dahil sa Pag-ibig. “Mabait si Alden, alam naman natin ‘yun.”
Ang alam niya ay dumalo lang siya sa opening ng McDo franchise nito sa Laguna kamakailan.
“Actually, hindi ko alam kung bakit, kasi nag-start ‘yun nu’ng pumunta ako sa opening, sa McDonald’s.
Eh, si Alden naman talaga, kaibigan ko eversince. Unang teleserye niya, One True Love, nagka-work kami,” sey ng aktres.
Dahil nga nali-link sila ngayon, pati siya ay naba-bash ng mga fans. Pero aniya ay hindi naman niya ito pinapansin.
“Dedma naman ako sa mga bashers. Actually, nagugulat na lang din ako kung saan nanggagaling ‘yung story, kasi hindi naman... wala namang itinatago.
Nag-uusap naman kami talaga ni Alden ‘pag nagkikita. And he’s very sweet naman din sa lahat ng tao.”
Hindi raw niya nababasa ang mga pamba-bash sa kanya dahil naka-filter ang Instagram niya.
Paglilinaw pa ni Winwyn, invited naman daw siya talaga sa lahat ng opening ng mga restaurants ni Alden pero nagkataon lang na ru’n siya sa McDo nakadalo.
Ano ang reaksiyon niya nang malaman niyang may tsismis na pala sa kanilang dalawa?
“Wala, natawa lang ako, lahat naman ‘ata, nali-link kay Alden,” natatawang sabi ni Win.
Hindi pa raw nila napag-uusapan ni Alden ang tungkol dito at siniguro niyang wala talagang namamagitan sa kanila.
Pero open ba siya sa possibility if ever ng something more than friendship sa kanilang dalawa?
Natawa si Winwyn, at ang sabi, “Parang hindi naman tama na tanungin n’yo ko nang ganyan. Si Alden, I don’t think he’s ready for something like that. Hindi rin ako ready. I’m enjoying ‘yung single moments ko, kasi ngayon lang ako naging single talaga.”
Inulit ng aktres na talagang natawa siya sa issue sa kanila.
“Kasi, parang ‘Oh, my gosh! Isa na rin ako sa mga na-link kay Alden.’ Nakakatawa, parang ‘Bakeeett?’ Wala, nabigyan lang talaga ng malisya.”
When asked kung alam ba ito ng ex-boyfriend niyang si Mark Herras, aniya ay hindi raw niya alam dahil hindi pa sila nakakapag-usap.
Samantala, sa Dahil sa Pag-ibig ay aminado si Winwyn na medyo daring na siya base na rin sa trailer.
“Yes, medyo. Nu’ng una, kinabahan talaga ako, so kinausap ko muna sina Direk Ricky (Davao), Bens (Benjamin Alves), ‘yung scene namin, ‘yung love scene and fortunately, si Ben, kakilala ko na talaga siya kasi same kami before ng agency, so nag-usap kami kung paano, and inalagaan naman nila ako.”
Sa nasabing serye ay may mga love scenes siya with Benjamin at may shower scene pa.
“Pero maganda, it was done tastefully, it was done okay.”
Pero hindi naman daw ibig sabihin nito ay magpapaka-daring na siya parati. Depende pa rin daw siyempre sa script kung kailangan talaga sa kuwento.
Ginagampanan ni Winwyn sa Dahil sa Pag-ibig ang papel ni Portia na asawa ng amo ni Edon (Benjamin) sa Saudi Arabia. Kasama rin sa serye as lead stars sina Sanya Lopez at Pancho Magno.
Joining the powerhouse cast are Sandy Andolong, Dominic Roco, Devon Seron, Kelley Day, Tep Tep Pineda and Tetchie Agbayani.





Comments