IPINANGAKO NI LAURE, BABALIK SIYA AT KUKUNIN ANG KAMPEONATO


PINATIKLOP ng Ateneo Lady Eagles ang University of Santo Tomas Golden Tigresses sa Game 2 at pinigilan ang bangis ng UST na mawalis ang serye sa UAAP Women’s Volleyball Championship sa Mall of Asia Arena, kung saan si Eya Laure ay maagang umeksit sa laban dahil na rin sa nanakit ang kanyang kaliwang paa.
Hindi na maganda ang pakiramdam ng mga paa ng newly minted rookie of the year sa third set at kailangan na siyang akayin palabas ng kanyang ama na si Eddie Laure dahil hindi na ito makatayo bunga na rin ng iniindang sakit. Pero nagpilit pa ring makabalik ni Laure sa laban sa huling bahagi ng ikatlong set pero nanakit pa rin ang kanyang mga paa sa 4th set.
Itinanghal ang super rookie bilang best outside hitter at nagawa pang ngumiti sa media habang kinakapanayam at sinabing ginagawa niya ang lahat upang makaambag ng malaki sa tropa. “Pinilit ko talaga na bumalik pero wala, kinapos din talaga. Ginawa nang lahat ng puwedeng gawin sa akin pero wala, masakit nga,” ayon kay Laure na tinitiyak naman sa UST fans na magpapahinga siyang mabuti bago ang Game 3 sa Sabado.
Aminado si Laure na dinala na siya sa dugout matapos ang masamang lagpak, wala raw siyang ibang nasa isip kundi ang kampeonato at anuman ang mangyari ay ibabalik niya sa España ang korona.
“Noong inilabas ako, hindi ako makapaniwala na nilalabas ako kasi sabi ko sa sarili ko kahit ano ang mangyari, sa championship na ‘to, gagawin ko talaga ang lahat and noong kine-carry ako ni daddy, sinasabi ko kay daddy na babalik ako,” ani Laure.
Hindi rin niya ininda ang injury at niliwanag na sprain lamang iyon bagamat masakit at kailangan lang ng dagdag na pahinga at yelo.
“Sprain lang, wala namang ano, medyo napasama lang talaga hindi ko nabalik ‘yung paa ko. Actually tinuturuan ako ng daddy ko [ano ang gagawin] kapag nase-sprain pero wala, nagulat din ako kaya hindi ko nabalik,” saad ni Laure. (VA/MC)





Comments