VCM, election paraphernalias tinangay at sinunog, 2 tiklo

TIMBOG ang mga armadong tumangay at nanunog sa Vote Counting Machine (VCM) at mga election paraphernalia sa Bgy. Santa Isabel, Jones, Isabela nitong eleksiyon.
Ayon sa report ni Police Lt. Col. Chevalier Iringan, alas-10:30 ng gabi ng Martes nang madakip ang 34anyos na magsasaka na si Rodel Pascul, sa Bgy. Diarao.
Habang ang isa pang suspek na nakilalang si Jayson Leanio ay kusang-loob na sumuko sa kapitan ng kanilang barangay sa Santa Isabel alas9:30 ng umaga ng Miyerkules.
Sina Pascul at Leanio ay kapwa nasa kustodiya na ng Jones Municipal Police Office at isinailalim sa matinding interogasyon, partikular na inaalam din kung sino ang nag-utos sa kanila para isagawa ang krimen.
Natukoy ang dalawa batay sa ilang testigo na nakakilala sa kanila.
Matatandaang, alas-6:30 ng umaga ng Lunes, nang harangin ng mga suspek ang dumptruck na karga ang VCM at mga election paraphernalia galing sa ilang polling precincts sa Bgy. Dicamay Uno at Bgy. Dicamay Dos at ihahatid sana sa municipal canvassing center sa Munisipyo ng Jones.
Tinangay ng mga ito ang naturang makina saka sinunog, gayundin ang isang puting pick-up na kanilang ginamit bilang getaway vehicle pagdating sa Bgy. San Isidro.
Posibleng nasa likod ng pag-atake ang New People’s Army (NPA), ilang pulitiko at iba pang armed groups. Iniimbestigahan din ang kawalan ng police escorts ng mga Board of Election Inspector (BEI) habang ibinibiyahe ito.





Comments