SALPUKAN SA FOOTBALL FINAL ANG ATENEO AT LA SALLE


MAGBABAKBAKAN ang Ateneo de Manila University (ADMU) at De La Salle University (DLSU) sa Rizal Memorial Football Stadium ngayong Huwebes sa UAAP Season 81 Men’s Football Tournament Finals na mapapanood ng LIVE sa S+A ng 4:30 pm.
Samantala, mapapanood din ng live ang bakbakan sa pagitan ng DLSU Lady Archers, na nag-aasam makamit ang kanilang three-peat at Far Eastern University (FEU) Lady Tamaraws.Nais tapusin ng superstar striker ng Ateneo na si Jarvey Gayoso ang kanyang karera sa UAAP na may kampeonato kontra kanilang mga karibal, kung saan coach ang kanyang tito na si Alvin Ocampo.
Dinomina ni Gayoso ang UAAP mula sa kanyang pagpasok noong Season 78 at nakapagtala na siya ng tatlong Golden Boots para sa pagiging pinakamahusay na striker. Nasungkit niya ang Season 79 MVP noong pangunahan niya ang Blue Eagles sa korona.
Papunta sa Final Four, galing sa masamang simula ang Ateneo ngunit napagtagumpayan nila ang FEU sa iskor na 1-0 sa loob ng 94 minuto. Naibuslo ni Gayoso ang kaisa-isahang goal ng laro mula sa isang cross ng kanyang midfielder na si Mark Nacional sa loob ng ika-70 minuto. Si Gayoso, kapwa senior forward na si Rupert Bana, Nacional, at goalkeeper Alex Arcilla ang aasahan ng Blue Eagles para maibalik ang tropeo sa kanilang eskuwelahan. (MC/VA)





Comments