Para sa mas maunlad na bayan, pagkakaisa ang kailangan!

HINDI napigilan ng ilang botante na sumusuporta sa mga kandidatong hindi nanalo ang magprotesta at makigulo dahil hindi nila matanggap ang kanilang pagkatalo.
Sa totoo lang, marami talagang dismayado sa nangyaring halalan, pero bukod sa dapat nating tanggapin ang hatol ng sambayanan, matuto tayong rumespeto sa kanilang pagkapanalo, gayundin, ang piniling ibinoto ng mga botante.
Tandaang, hindi lahat ng bagay ay sasang-ayon base sa ating kagustuhan.
Gayunman, parang pag-ibig lang ‘yan na nagsasabing, move-on din ‘pag may time dahil hindi makatutulong para sa bayan kung kahit tapos na ang halalan, eh, nakikigulo at sawi pa rin tayo.
Kung sila ang uupo sa puwesto, suportahan na lang natin kahit mahirap sa ating kalooban dahil sa buhay, may nananalo at natatalo naman talaga, pero ang mahalaga, alam natin kung paano muling bumangon para sa ikaaayos ng lahat.
Hindi ba, gusto natin ng kapayapaan? Paano natin ito masisimulan kung tayo mismo ang nag-uumpisa ng labanan?
Bakit hindi nalang tayo magkaisa dahil ‘yun naman ang higit na kailangan ng bansa ngayong maraming suliranin ang ating kinahaharap?
Samantala, paniguradong marami ang masama ang loob dahil naniniwala silang maraming nangyaring dayaan na hanggang ngayon ay hindi pa matuldukan.
Pero, ‘ika nga, darating din ang panahon na maaayos ito basta nagkakaisa para sa bayan dahil sa dakong huli, tayo rin naman ang magtutulungan!
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments