top of page

Mataas na kalidad ng edukasyon, malaking tulong para masiguro ang magandang kinabukasan ng kabataan

  • Win Gatchalian
  • May 16, 2019
  • 2 min read

AYON sa mga international expert, kaila­ngang tutukan ng mga bansa sa Asya hindi lamang ang pagpapalawak ng edukasyon kundi maging ang pagsigurong mayroong papasukang maganda at akmang trabaho ang mga college graduate.

Sinong college graduate ang ayaw maga­mit ang kursong kanyang pinag-aralan?

Ayon sa pag-aaral ni Daniel H. Perlman ng Peabody Journal of Education, isa sa kina­haharap na pagsubok ng Pilipinas ay ang sob­rang bilang ng mga graduate ng higher education o kolehiyo.

Kung ikukumpara sa ibang rehiyon sa bansa, sa National Capital Region (NCR) ang may pinakamaraming estudyante na nakapag­tapos.

Magandang balita, lalo na at naisabatas na ang libreng kolehiyo sa pamamagitan ng Republic Act No. 10931 o Universal Access to Quality Tertiary Education Law.

Sigura­dong maraming kabataan ang mabibigyan ng oportunidad na makapagtapos sa kolehiyo. Ito ay ating pangarap at pangarap ng bawat magulang para sa kanilang mga anak.

Sa kabilang banda, dahil marami ang nais makinabang ng libreng kolehiyo, may naki­kitang pagsubok din dahil sa posi­bilidad na walang agarang trabaho na nakahain para sa kanila.

Ngunit, hindi lang sa ating bansa nang­yayari ito. Ayon sa University World News, ang South Korea na may pinakamara­ming college graduates ay tinatawag na “eco­nomically inactive” o sa madaling salita, walang trabaho, gayundin, ang China kung saan ang bilang ng kanilang job vacancies ay patuloy na bumababa, taun-taon.

Ang oportunidad naman ng graduates sa Japan ay mababa rin, sa kabila ng panghihi­kayat sa mga estudyante na mag-apply agad bago pa dumating ang kanilang graduation sa Abril.

Kaya minabuti ng gobyerno ng Japan na palakasin pa lalo ang pagtuturo ng foreign language sa kanilang mga estudyante para kayanin na makipagsabayan sa globalisasyon.

Sa ating bansa, kasalukuyang pinagtutu­unan ng pansin ng pamahalaan ang mag-research at maghanap ng mga solusyon at me­kanismo upang malabanan ang anumang pagsubok sa graduate employment rate.

Sa tulong ng International Labor Orga­nization (ILO), ilan sa mga isinusulong ng ating gobyerno ay ang Labor and Employ­ment Plan (LEP) o ang pagpapalaganap ng mga skills training center o hub na sagana sa modernong teknolohiya, pag-aralang muli ang kurikulum ng edukasyon at magsagawa ng mga youth exchange program.

Dapat ding palakasin ang relasyon ng mga paaralan, kumpanya at gobyerno upang sama-sama silang bumuo ng makabuluhan at makabagong kasanayan sa napiling kurso ng mga mag-aaral.

Dahil dito, dadalhin nila ang kanilang mga natutunan sa posibleng trabaho sa hinaharap.

Bukod dito, malaking tulong na mapa­natiling updated ng mga kumpanya ang lahat ng impormasyon na nakalagay sa kanilang website.

Higit sa lahat, napakahalagang mapa­angat pa lalo ang kalidad ng K to 12 system. Huwag tayong maging kampante sa mga resulta tulad ng 2018 Jobstreet survey kung saan 24 por­siyento lamang sa mga employer ang han­dang tumanggap ng mga K to 12 graduate.

Sa ating bansa, nagsisilbing malaking parte sa ating ekonomiya ang kontribusyon ng mga college graduate.

Hangad natin na lalo pang tumaas ang antas ng kanilang pamumuhay, kaya naman, dapat lamang malutas at agarang wakasan ang unemployment maging ang underem­ployment ng ating mga college graduate saanmang panig ng ating bansa.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page