LADY EAGLES, HUMIRIT NG GAME 3 BULLDOGS, KAMPEON VS. FEU


NAKAHIRIT ng winner-take-all Game 3 ang Ateneo de Manila University matapos igupo ang University of Santo Tomas, 26-24, 14-25, 25-21, 25-15, kahapon sa Game 2 ng kanilang best-of-3 UAAPSeason 81 Women’s Volleyball Finals Series sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Tinapos ng Lady Eagles ang 7-game winning streak ng Tigresses at itinabla ang series sa 1-1. Pinangunahan ni Maddie Madayag ang nasabing panalo sa itinala nitong 17 puntos.
Matapos itabla ng Tigresses sa 1-set all ang laban, sinamantala ng Lady Eagles ang pagkawala ni Rookie of the Year Eya Laure sa third frame matapos itong ilabas ng court dahil sa tinamong mild sprain.
Sa kabila ng iniindang kirot, pinilit ni Laure na bumalik ngunit halatang hirap itong kumilos hanggang sa ganap na siyang ilabas sa fourth set nang umabot na ang Lady Eagles sa matchpoint at ang kalamangan ng mga ito sa double digit.
Gaganapin ang do-or-die Game 3 ng dalawang koponan sa Sabado sa parehas ding venue.
Nauna rito, pinataob ng National University ang Far Eastern University, 24-26, 25-23, 25-23, 25-19 upang ganap na maangkin muli ang titulo ng men’s division.
Ganap na winalis ng Bulldogs ang Finals kontra sa koponang tumalo sa kanila sa opening day ng torneo upang makopo ang ikalawang sunod nilang titulo at pang-apat na pangkalahatan sa loob ng pitong sunod na pagtungtong ng Finals.
Nagtala si Season MVP Bryan Bagunas ng kanyang career-best 35 puntos bukod pa sa 12 digs at 9 na excellent receptions para sa huling laro sa NU kasunod si Kim Malabunga na umiskor ng 9 na puntos.
Pinamunuan naman ni skipper Richard Solis sa itinala nitong 18 puntos ang FEU na nakabalik ng kampeonato makalipas ang anim na taon. Gaya ni Bagunas, nagtapos na kampeon sina Francis Saura, Madz Gampong at Malabunga.
Sa kabilang panig, kasabay naman nilang nagsipagtapos ang playing years para sa Tamaraws sina Solis at open hitter Rj Paler. (VA)





Comments