Pagtira ng pamilya sa lugar na idineklara bilang national park
- BULGAR

- May 15, 2019
- 2 min read
Dear Chief Acosta,
Isa akong estudyante at volunteer sa barangay. Sa totoo lang, may isang pamilya na nakatira sa idineklarang national park sa aming lugar. Noong sila ay aming pinalilipat ay nagmamatigas sila at ayaw nilang sumunod sa aming team at ang katwiran nila ay matagal na raw silang nakatira roon at wala raw silang ibang matitirhan. Nais naming malaman kung may batas bang maaaring makasakop sa kanilang sitwasyon? — Vina
Dear Vina,
Para sa inyong kaalaman, ang batas na nakasasaklaw sa inyong katanungan ay ang Presidential Decree 705 o mas kilala sa tawag na Revised Forestry Code. Nakasaad sa Section 71 nito na:
“Section 71. Illegal occupation of national parks system and recreation areas and vandalism therein. Any person who shall, without permit, occupy for any length of time any portion of the national parks system or shall, in any manner, cut, destroy, damage or remove timber or any species of vegetation or forest cover and other natural resources found therein, or shall mutilate, deface or destroy objects of natural beauty or of scenic value within areas in the national parks system, shall be fined not less than two hundred (P200) pesos or more than five hundred (P500) pesos exclusive of the value of the thing damaged; Provided, That if the area requires rehabilitation or restoration as determined by the Director, the offender shall also be required to restore or compensate for the restoration of the damage; x x x”
Ayon sa nasabing batas, ang sinumang tumira sa anumang parte ng idineklarang national park na walang kaukulang permit ay magmumulta ng dalawandaang piso (P200) hanggang limandaang piso (P500) bukod pa sa halaga ng nasirang bagay. Sasagutin ng nagkasala ang rehabilitasyon ng lugar o bagay na nasira. Nasa director ng Forest Management Bureau (FMB) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pagpapasya kung ang nasabing lugar ay nangangailangan ng rehabilitasyon.
Nawa ay nasagot namin ang inyong katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.
Maraming salamat sa patuloy ninyong pagtitiwala.





Comments