BAGUNAS NG NU BULLDOGS MVP SA MEN’S UAAP VOLLEY


SA unang pagkakataon, isang manlalaro mula National University ang pararangalan bilang men’s volleyball Most Valuable Player para sa UAAP Season 81 Volleyball Tournament.
Nakatakdang igawad sa graduating open spiker na si Bryan Bagunas ang MVP award sa idaraos na awards rites bago ang Game 2 ng finals sa MOA Arena sa Pasay City. Ngunit maliban sa MVP trophy, tatlo pang individual awards ang hinakot ni Bagunas. Nagwagi rin ang 6-foot-5 outside hitter na tubong Balayan, Batangas bilang First Best Outside Spiker, Best Scorer at Best Server.
Kasama niyang tatanggap ng parangal ang mga kakampi niyang sina Angelo Almendras at James Natividad na nagwaging Rookie of the Year at Best Opposite Spiker ayon sa pagkakasunod.
Ang iba pang mga individual awardees ay sina Jude Garcia ng Far Eastern University bilang Second Best Outside Hitter, ang kakampi nitong si JP Bugaoan at Chumason Njigha ng Ateneo bilang First at Second Best Middle Blocker, at dalawa pang Blue Eagles na sina Lawrence Magadia bilang Best Setter at Manuel Sumanguid bilang Best Libero.
Samantala, gagawaran din ng parangal ang mga top individual performers ng women’s division sa pangunguna nina Season MVP at Best Scorer Sisi Rondina at Best Open Spiker at Rookie of the Year Eya Laure, kapwa ng University of Santo Tomas, bago ang Game 2 ng finals series nila ng Ateneo. (VA)





Comments