top of page
Pokwang.jpg

Raket ng mga babaeng magnanakaw ng sasakyan, buking!

Writer: BULGAR
BULGAR
May 14, 2019
2 min read

“KUNG ano ang magagawa ng lalaki, magagawa rin ng babae”. Ito ang matandang kasabihan ng mga matatanda na siya ring nangyayari ngayon.

Nakatanggap ang inyong lingkod ng impormasyon mula sa mga kaibigan nating parak na pinag-iingat ng Philippine National Police (PNP) ang mga kababayan nating nagmamay-ari ng mga modelong kotse na magdoble-ingat sa pagmamantina ng kanilang mga sasakyan dahil gumagala ang dalawang kababaihang carnapper na nagpapanggap na bumibili ng kotse sa Kalakhang Maynila.

Ayon sa nakausap nating mga alagad ng batas, ang modus ng mga hinayupak na ito ay ang nagka-canvass kuno sila sa mga sasakyang for sale na bumibili sila ng sasakyan kapag may nakursunadahan sila at nakausap ang namamahala ng sasakyan.

Kapag nakuha ang tiwala ng namamahala ng sasakyan ay panay ang tanong ng mga ito na may kasamang pambibighani o pang-aakit para makapasok sa bitag ang biktima na kapag nagkasundo na ay agad magpapahayag ang mga suspek na puwede raw bang mai-road test ang sasakyan para raw malaman nang dalawang animal na ito kung nasa running condition ang sasakyan.

Dahil pumayag ang biktima ay swak na siya sa bitag ng mga hinayupak na ito. Sa pamamagitan ng mabubulaklak na pananalita ay agad sasakay ang dalawang suspek para i-road test (lumang istayl) ang sasakyan na ang hindi alam o masyadong nagtiwala ang biktima dahil sa alindog (pwe!) ng dalawang hinayupak na babaeng carnapper na hindi na ibinalik ang sasakyan kung saan agad namang nagtungo sa himpilan ng pulisya ang biktima para magreklamo.

Dagdag pang impormasyon, nahuli ang isa pang suspek na nakilalang si alyas Gina Mallari ng Bulacan Highway Patrol Team sa pangunguna ni Bulacan Police Director Colonel Chito Bersaluna na ayon sa kanya ay matagal nang pinaghahanap ng pulisya dahil sa kasong carnapping na walang piyansa.

Mga ka-BULGAR, maging alerto sana kayo at mapagmatiyag sa mga taong hindi ninyo kilala dahil posible rin kayong mabiktima ng mga gumagalang babaeng carnapper na nagkukunwaring bumibili ng sasakyan.

Ikaw kaibigan, anong sey mo?

Walang maloloko kung walang magpapaloko!

Ligtas ang may alam!

Kaya ikaw, ako, tayo… mag-ingat!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page