Dahil sa kahirapan at kakulangan sa kaalaman | Malawakang vote-buying, talamak!
- Ryan B. Sison
- May 14, 2019
- 1 min read

TAPOS na ang botohan, pero hindi natin makalilimutan ang nakadidismayang malawakang vote-buying na naganap sa iba’t ibang lugar.
Sa totoo lang, nakalulungkot na marami pa rin sa mga Pilipino ang kumakagat sa mga ganitong gawain tuwing nalalapit ang eleksiyon na ayon sa Malakanyang ay dahil umano sa kahirapan at kakulangan sa kaalaman.
Kung saan alam nating basta may pera, ang mga Pinoy kahit iligal pa ang gagawin ay tatanggap pa rin dahil ito ang kanilang pangunahing pangangailangan, lalo na ngayong pamahal nang pamahal ang mga gastusin.
Gayunman, sa ganitong paraan, ang maayos at mapayapa sanang botohan ay mauuwi lang sa dayaan at parang niloloko lang natin ang ating sarili dahil kung sinu-sino na lang ang ating ibinoboto na hindi natin masyadong pinag-aaralan.
Sa totoo lang, kahit sabihing hindi ito mino-monitor, sa oras na tumanggap ka ng pera mula sa mga kandidatong mandaraya, ang boto mo ay parang wala na ring bilang o saysay.
Samantala, kung kahirapan at kakulangan sa kaalaman ang sanhi kaya maraming nagsasagawa ng vote-buying, kailangan na itong tuldukan nang sa gayun ay hindi maging paulit-ulit tuwing may magaganap na halalan.
Nawa ang ating mga ibinoto ay maglingkod sa bayan nang tapat at totoo at walang pag-aalinlangan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments