PAMILYA NI RONDINA, MANONOOD SA GAME 2, KAMPEON NA BA ANG UST?


HINDI mawari ni University of Santo Tomas (UST) star Sisi Rondina kung paano magpapasalamat sa kanyang tweet kahapon, makaraang malaman na darating ang kanyang pamilya at manonood sa Game 2 ng UAAP Season 81 women’s volleyball Finals ng live sa MOA.
Nabanggit kasi ni Rondina kamakailan na hindi makapupunta ng Manila ang kanyang pamilya para makapanood ng kanyang laro sa Golden Tigresses ng UAAP Finals kontra Ateneo dahil sa kawalan ng pamasahe.
Halos pambayad kasi ng hinuhulugan niyang dalawang palapag na bahay ang kanyang budget.
“Bumili ako ng bahay sa subdivision. Ipon ko talaga,” ayon kay Rondina na inako na ang papel bilang isang bread-winner ng pamilya mula nang lisanin ang Cebu.
Nang malaman ito, nagtulong-tulong ang UST community upang matiyak na ang Rondina family ay makakapanood ng Game 2, kung saan pakay na ng Golden Tigresses na kunin ang UAAP Season 81 title.
“Hindi ko na kayo iisa-isahin pero sobra na po ang ibinigay n’yo sa amin,” ayon sa tweet ni Rondina. “Because of my priority, ‘di ko sila mapanuod ng live, pero nalaman kong ginawa ninyo ng paraan. Paano po ako magpapasalamat?”
Kinumpirma ng UST fan sa ABS-CBN News na ang airfare ay naisponsoran na at nakatipon na sila ng pondo para sa Airbnb at iba pang gastusin para sa Rondina family. “Sisi can still focus on the game,” saad ni Alvin Reyes.
Inaasahang darating ang pamilya ni Rondina ngayong Lunes o Martes dahil ang Game 2 finals ay sa Miyerkules sa Mall of Asia Arena. Pinalakas ni Rondina ang UST sa bisa ng straight sets win sa Game 1, nakaiskor ng 23 puntos nang pabagsakin ng Tigresses ang lipad ng Lady Eagles, 25-17, 25-16, 25-20. (VA/MC)





Comments