Mga pasaway na negosyante, sampulan!

INIUTOS ng Department of Trade and Industry (DTI) sa lokal na pamahalaan ng Las Piñas na suspendihin ang lisensiya ng China Food Plaza dahil sa kakulangan ng mga dokumento at lisensiya. Mismong si DTI Sec. Ramon Lopez ang nagtungo sa nasabing food park para makita ang sitwasyon. Nabalita na mga Chinese lang daw ang gustong parukyano nito, pero ayon kay Sec. Lopez, wala siyang masyadong nakitang patakaran at may mga kumakain namang mga Pinoy. Ang nadiskubre niya ay isa lamang sa 30 kainan ang may kumpletong dokumento at pahintulot mula sa lokal na pamahalaan.
Gayundin, nadiskubre na ang ilang stalls dito ay gumagamit ng resibo na may Chinese characters na hindi raw rehistrado ng Bureau of Internal Revenue (BIR), paano maiintindihan ng BIR ‘yan kung sulat-Chinese?
May mga namataan pang tumakbo nang dumating ang mga taga-DTI, paano sila nakapagtayo ng negosyo na walang mga dokumento at permit mula sa city hall ng Las Piñas? Parang sa New Bilibid Prison na kumpleto ng kagamitan ang mga bilanggo na may studio, malalaking TV, ginagawang jacuzzi at iba pang hindi alam ng mga guwardiya o pinakamataas na opisyal ng NBP. Wala rin daw pasilidad para sa treatment ng waste water na akala natin ay seryoso sa mga establisimyentong hindi sumusunod sa mga alituntunin. Pinaboran na lang ba ang mga Chinese na nagtayo ng mga kainan ng mga opisyal? Ibang klase talaga ang lakas ng mga Chinese sa bansa.
***
Sa kauna-unahang pagkakataon, sabay-sabay naglayag ang mga barkong pandigma ng U.S., Japan, India at Pilipinas sa Scarborough Shoal na may layong, “to promote maritime cooperation throughout a free and open Indo-Pacific”.
Patungong Singapore mula Busan, South Korea ay limang barkong pandigma ang naglayag. Tila wala naman silang natanggap na babala mula sa China o sa kanilang coast guard. Wala ring sumalubong na barkong pandigma ng China sa kanila. Mabuti naman, pero bakit kaya? Masyadong maraming barkong pandigma mula sa ibang bansa ang naglayag sa “kanilang teritoryo”? Sayang at walang mga barkong pandigma mula sa Australia o sa ibang hukbong karagatan ng ASEAN tulad ng Vietnam, Malaysia, Thailand at Indonesia. Maganda sana kung ipinakitang iisa ang kanilang hangarin para sa malayang paglalayag at paglipad sa rehiyon.





Comments