Mga kandidato ng dilawan, 'wag nang umasa!

KAHIT isa, wala sa mga dilawang kandidato o kapartido ni dating Pangulong Benigno Simeon Aquino III ang mananalo bilang senador.
Bakit natin nasabi ‘yan? Unang-una, walang kalatuy-latoy ang anim sa mga dilawang kandidato. Wala silang maipagyayabang na nagawa para masabing may “K” silang maging senador.
Ang mga ito ay sina Hilbay, Gutoc, Macalintal, Alejano, Tañada at Diokno, samantala, ang dalawang huli, eh, umaasa naman na malilito ang taumbayan na ang ibinoboto nila ay ang kanilang mga lolo na magagaling naman.
Sa tingin natin, sobrang bilib nila sa sarili kaya nakaisip pang gumastos ng malaki para maging senador.
Ang laki ng pagkakamali ng mga dilawang kandidato, tinawag nila ang kanilang grupo na “Otso Diretso”.Sa totoo lang, napakadaling pagtawanan ng pangalang ito kaya kumalat ang iba’t ibang bansag tulad ng “otso diretso sa inodoro”, “otso diretso sa nitso”, “otso diretso sa posonegro” at marami pang katawa-tawang pambababoy ng kanilang pangalan.
Gayunman, sa walong kandidatong dilawan, malamang, dalawa lang ang may kaunting pag-asa na manalo, sina reelectionist Bam Aquino at Mar Roxas na tumakbo rin noong 2016 sa pagka-pangulo, pero natalo.
Subalit, tagilid na rin ang lagay ng dalawang ito ayon sa opinion poll o survey ng Pulse Asia.
Sa survey, tinatanong ang tamang bilang ng mga Pilipino kung sino ang gustong kandidato o ang iboboto nila ngayon eleksiyon.
Noong Pebrero, nakasampa si Roxas sa pangwalo hanggang sa pang-12 sa puwesto sa “Magic 12”, subalit, makaraan ang tatlong buwan ay bumagsak ang ranggo ni Roxas sa pang-11 hanggang pang-18 puwesto, laglag sa “Magic 12”.
Bumagsak si Roxas kahit siya raw ang may pinakamalaking gastos sa advertisements. Isipin ninyo, gumastos daw siya ng P460 milyon para rito? Malamang, gumastos siya ng P1 bilyon kung isasama ang iba niyang gastos tulad ng suweldo sa mga tauhan niya.
Kahit bilyunaryo ang angkan ni Roxas (may-ari ng Araneta Center sa Cubao) ay may hangganan ang kanilang pera o hindi papayag ang mga kamag-anak niyang mamulubi sila dahil lang sa ambisyon ni Roxas.
Kumpara kay Roxas, mas ayos pa ang kalagayan ni Bam Aquino. Noong Pebrero ay nasa pang-13 puwesto hanggang sa pang-17 ranggo ito. Ibig sabihin, hindi siya pasok sa “Magic 12”, pero ngayong Mayo ay tumaas ng kaunti ang kanyang puwesto dahil naging pangsiyam hanggang pang-15 siya.
Gayunman, malamang ay talo pa rin sina Roxas at Aquino, bakit kamo? Sisipa palabas sa kanila sa “Magic 12” ang solidong boto ng Iglesia Ni Cristo (INC). Hindi sila isinama ng INC sa 12 kandidato na inendorso nila.
Kahit ang mga kasama nila sa Liberal Party, sa tingin nila ay talo lahat sila. Kaya nawawala sa kampanya ang mga namumuno ng LP tulad nina Sen. Franklin Drilon, Sen. Kiko Pangilinan at Senadora Risa Hontiveros.
Malas lang nila, popular si Pangulong Rodrigo Duterte dahil marami siyang nagawa para mapaunlad ang bayan. Panigurado, ang mga kandidato niya sa pagka-senador ay makatatanggap ng mataas na boto dahil gustung-gusto sila ng taumbayan dahil malaki ang kapakinabangan at tunay ang kanilang adhikain na makatulong sa mamamayan at sa bayan. Ngayong eleksiyon, malamang, mistulang libing ng mga salot sa lipunan o dilawan ang mangyayari.





Comments