Mga kandidato, kilatising maigi bago iboto!

NGAYON, ika-13 ng Mayo, magaganap ang 2019 Midterm Elections.
Habang ninanamnam natin ang kakaibang katahimikan ng katapusan ng panahon ng maingay na kampanya, unawain natin ang sinasabi ni Papa Francisco noong siya pa si Arsobispo Jorge Mario Borgoglio, “Mahalaga na isipin natin kung ano ang ating nararamdaman at ginagawa; damhin ang ating iniisip at ginagawa at gawin ang ating iniisip at dinadama. Kailangan nating gamitin ang wika ng ulo, puso at mga kamay.” (It’s fundamental that one thinks what one feels and does; feels what one thinks and does; and does what one thinks and feels. You must use the language of the head, the heart and the hands. – Arbp, Cardinal Jorge Mario Borgoglio, Buenos Aires, Argentina)
Tatlong bahagi ng katawan ang binigyang-pansin ni Archbishop Jose Mario Borgoglio, ang ulo, puso at mga kamay. Kung babasahin nating mabuti ang sinabi ng Santo Papa, tinutukoy nito ang mahalagang sandali sa bawat pagkilos ng tao. Ito ang sandali ng pagkilatis sa kalooban ng Diyos. Sa Ingles, ito ay “discernment” at dahil si Borgoglio ay Heswita, mahalaga sa kanya at sa lahat ng mga Heswita ang “discernment.”
Hindi maaaring banat tayo nang banat o hindi marunong manahimik upang tingnan maigi ang mga nangyayari sa labas at loob natin upang higit nating malaman at maintindihan bago isagawa ang kalooban ng Diyos.
Totoong hindi dapat magkahiwalay ang isip, puso at mga kamay. Dapat iisa ang nasa isip, puso at nakikita sa mga kamay o sa ating mga ginagawa.
Pagkatapos ng eleksiyon, marami sa mga napangakuan ang paniguradong maghihintay. Napakaraming mahusay mag-isip at magsalita ngunit, “zero” sa gawa at mas madalas pang kabaligtaran sa gawa.
Gayunman, pagkatapos pag-ugnayin ang isip, puso at mga kamay, handa nang bumoto ang mga botante, kailangang dagdagan ng napakahalagang sandali, ang pagluhod. Kailangang dalhin sa harap ng Diyos ang ating mga napiling kandidato at tanungin Siya kung ayon sa Kanyang kalooban ang ating mga napiling kandidato.
Tuwing tayo ay lumuluhod, ginagawa natin ang dalawang bagay. Una, tayo ay sumusuko at nagbibigay-pugay sa Manlilikha bilang mga nilikha. Wala tayong karapatang magyabang, mang-abuso at manakit ninuman o anuman. Sa ating pagluhod, muli nating isinusuko sa Kanya ang lahat tulad ng panalangin ni San Ignacio ng Loyola na madalas nating awitin sa pag-aalay sa Banal na Misa: “Kunin Mo o Diyos at tanggapin Mo ang aking kalayaan, ang aking kalooban, ang isip at gunita ko, lahat ng hawak ko, lahat ng loob ko, lahat ay aking alay sa’yo. Mula Sa’yo ang lahat ng ito, muli kong handog Sa’yo. Patnubayan Mo at paghariang lahat ayon sa kalooban Mo. Mag-utos Ka Panginoon ko dagling tatalima ako. Ipagkaloob Mo lamang ang pag-ibig Mo at lahat tatalikdan ko.”
Pangalawa, humihingi tayo ng tatlong basbas ng kapatawaran, liwanag at lakas. Ayon kay Father Bert Alejo Sj, kailangan natin ng pambansang dagok ng sabay-sabay na pag-amin ng ating pagkakasala mula sa pinakamalaki hanggang sa pinakamaliit. Hangga’t walang pag-amin ng kasalanan at paghingi ng tawad, hindi magkakaroon ng paghihilom at mananatili at lalala ang mga sugat na dulot ng pagkakasala ng lahat. Kung alam natin ang ating pagkakasala at kahinaan, maaari nating hingin ang lakas at liwanag upang gawin ang nararapat ng buong linaw, pang-unawa at lakas.
O, tayo nang pag-isahin, buuin ang ating isip, puso at mga kamay. Tayo nang lumuhod upang palayain at pakilusin at papiliin ng tama ang ating kaluluwa sa pagsagip sa sugatan at nanganganib na pataying pagkatao at kaluluwang Pilipino.





Comments