top of page
FRANKLY - LEA, TODO-BILIB NA WINNER PA RIN ANG FORGOTTEN ISLAND KAHIT NAG-FLOP _IG _msleas

Good news sa mga pensiyunado ng SSS na naninirahan sa ibang bansa!

Writer: BULGAR
BULGAR
May 13, 2019
3 min read

Dear SSS,

Magandang araw! Palagi akong nagbabasa ng inyong kolum. Ang mother-in-law ko ay SSS pensioner. Noong June 2018, siya ay pinetisyon ng hipag ko na nasa Canada kaya siya ay maninirahan na roon. Nais naming malaman kung paano makapagko-comply sa ACOP ang aking mother-in-law? Kailangan bang umuwi siya sa Pilipinas tuwing buwan ng kanyang ACOP? Thank you! — Yani ng Cavite

Sagot

Para sa inyong katanungan, hindi na kailangang umuwi ng inyong mother-in-law sa Pilipinas upang tumugon sa Annual Confirmation of Pensioners (ACOP). Ang ACOP ay programa na nag-aatas sa mga pensiyunado na taunang mag-report sa SSS upang masigurong tuluy-tuloy ang pagtang­gap ng pensiyon. Ipinatupad ito noong 2012 upang masigurong ang pensi­yunado lamang ang makikinabang sa benepisyo ng SSS.

Modernong teknolohiya ang gamit para makapag-ACOP ang mga nasa ibang bansa at ito ay sa pamamagitan ng Annual Confirmation of Pensioners through Video Conference (ACOP-VC).

Ang ACOP-VC ay pasilidad na inilunsad noong Disyembre 2015 para sa mga pensiyunadong nakatira sa ibang bansa para sa taunang pag-report sa SSS na hindi sila kailangang umuwi o magsumite ng mga dokumentong authenticated ng Philippine Consulate sa ibang bansa.

Para sa mga pensiyunado na naninirahan sa ibang bansa tulad ng iyong biyenan, maaaring gamitin ang Skype upang tumugon sa ACOP. Ang Skype ay libreng aplikasyon online kung saan maaaring mag-video call ng libre saanman sa mundo.

Para magamit ang ACOP-VC, kinakailangang may “Skype” account ang pensiyunado para maisagawa ang online interview. Dapat magawa ang ACOP-VC interview sa loob ng buwan ng kapanganakan ng retiree o disability pensioner. Kung death o survivor pensioner naman, dapat mag-ACOP sa buwan ng kamatayan ng pumanaw na pensiyunado ng SSS.

Kailangang mag-set ng appointment ang pensiyunado sa SSS sa pamamagitan ng pag­papadala ng email sa ofw.relations@sss. gov.ph o member_ relations@sss.gov.ph. Ilagay sa subject line Skype (ACOP), panga­lan ng pensioner at SSS number.

Kailangan ding isama sa email ang mga sumu­sunod na impormasyon: Pangalan ng retiradong pensiyunado o ng namatay na miyembro; SSS number; araw ng kapanganakan; pangalan ng tagapag-alaga kung ang benepi­saryo ay incapacitated; pangalan ng benepisaryo (kung mayroon man); contact information tulad ng email address, nume­ro ng mobile phone o landline; kum­pletong address (lokal at sa ibang bansa); pangalang ginagamit sa Skype at iskedyul ng video conference na batay sa oras sa Pilipinas. Ito ay mula Lunes hanggang Biyernes sa mga oras ng alas-12 ng umaga hanggang alas-11 ng gabi.

Makatatanggap ng kumpirmasyon tungkol sa iskedyul ng ACOP ang pensiyunado sa kanyang e-mail kasama ang reference number. Sa itinakdang petsa at oras, isang empleyado ng SSS ang tatawag sa kanya gamit ang video call. Ipakikita ng pensiyunado ang reference number at valid IDs. Matapos ang video conference, ang pensiyunado ay makata­tanggap ng email na kinukumpirma ang pagtugon niya sa ACOP.

Maaaring iprisenta sa ACOP-VC ang mga sumusunod na dokumento: SSS unified multipurpose identification (UMID) card; pasaporte; dala­wang valid IDs na ibinigay ng bansang kinaroroonan niya na nagpapakita ng kanyang larawan at lagda.

Kaya hindi na mangangamba ang iyong biyenan na masuspinde ang kanyang pensiyon dahil sa hindi pagsunod sa ACOP. Mas pinadali na ngayon ng SSS ang pagtugon sa ACOP ng mga pensiyunadong naninirahan sa ibang bansa.

◘◘◘

Nais nating ipaalam sa mga retiree pensioner na bukas ang Pension Loan Program ng SSS para sa inyong panandaliang pangangailangang pampinansiyal. Inaanyayahan natin ang mga pensiyunado na nais mag-avail ng Pension Loan Program na magsadya sa pinakamalapit na tanggapan ng SSS sa kanilang lugar.

Para sa inyong mga katanungan at problema, sumulat sa BUTI NA LANG MAY SSS, at BULGAR BLDG, 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa "sss.bulgar@gmail.com". Puwede ring magdala ng personal ng mensahe sa ating Facebook page: https://www.facebook.com/BULGAR.OFFICIAL

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page