Gagamitin sa vote-buying BULTONG PERA, NAHARANG NG MILITAR
- Jeff Tumbado
- May 13, 2019
- 1 min read

NAPIGILAN ng mga awtoridad ang sana ay malawakang vote-buying matapos masabat ang malaking bungkos ng pera na nasa mahigit isang milyong piso sa Zamboanga del Sur.
Nakita ang pera sa Bgy. Dapiwak, Dumingag, araw ng Sabado.
Ayon kay 1st Lt. Abner Pilando, nakalagay ang pera sa paper bag at nakita ito sa tabi ng isang bakanteng bahay.
Ang pagkadiskubre sa mga pera ay kasunod ng tip na gagamitin sa pamimili ng boto sa mga residente ng Dumingag.
Sinabi ni Pilando, na isang hindi nagpakilalang caller ang nagbigay ng impormasyon na hina-harass umano ng mga armadong lalaki ang mga residente sa lugar.
Nang rumesponde sa lugar ay mabilis na nagpulasan ang mga armadong lalaki at iniwan na lamang ang pera na nasa P1.056 milyon.
Narekober sa paper bag ang papel kung saan nakasulat ang listahan ng mga bibigyan ng pera.
Sa naturang papel ay may heading na “Province of Zamboanga del Sur/Municipality of Dumingag Barangay Dapiwak”.
Bagama’t, hindi tinukoy kung kanino galing ang bulto ng pera ay patuloy itong inaalam sa imbestigasyon.





Comments