3 construction workers nakuryente sa iskul

DEDO ang isang construction worker habang nasa ligtas namang kalagayan ang dalawang kasama nito matapos aksidenteng makuryente sa ginagawa nilang paaralan sa Navotas City.
Dead-on-arrival sa Navotas City Hospital si Orlando Gediom, 30, ng Bgy. San Juan Aluminos, habang ginagamot sa naturang pagamutan sina Rey Juan, 33, ng Bgy. Baliok, San Clemente, Tarlac at Jordan Pacheco, 22, ng Bgy. Apad Humalig, Quezon Province.
Sa nakarating na ulat kay Navotas Police Chief P/Col. Rolando Balasabas, alas-10:00 ng umaga nang maganap ang insidente sa Navotas Elementary School sa Los Martirez St. corner M. Naval St., Bgy. San Jose, Navotas City.
Ayon sa ulat, nagtatrabaho ang mga biktima na pawang mga empleyado ng Micro Pile Construction Company sa naturang paaralan nang makuryente ang mga ito matapos aksidenteng dumikit sa high tension wire nang walang balot na kable ng kuryente ang hawak nilang bakal.
Matapos ang insidente, mabilis na dinala ng kanilang mga katrabaho ang mga biktima sa naturang pagamutan subalit, hindi na rin umabot ng buhay si Gedion.





Comments