PARKS, KONTRA NINONG NG BOLTS PAGSAMPA SA PBA

MAKAKAHARAP ni Bobby Ray Parks Jr. sa kanyang unang laro sa PBA ang Meralco Bolts sa pagbubukas ng Commissioner’s Cup sa Mayo 19.
Sa nailabas na schedule ng PBA kamakailan, nakatakdang kalabanin ng Blackwater ang Meralco sa unang laro ng Commissioner’s Cup na gagawin sa Mall of Asia Arena sa 4:30 p.m. Sa naturang laro ay makahaharap ni Parks ang kanyang ninong na si Meralco coach Norman Black.
Bago ang pormal na pagsama sa Blackwater ay nagwagi si Parks ng kanyang pangatlong MVP sa ASEAN Basketball League (ABL) matapos siyang maglaro para sa San Miguel Alab Pilipinas.
Aminado si Black na magiging mahirap ang tatahakin ng Bolts sa naturang laro dahil sa mga kayang gawin ni Parks para sa kanyang koponan. “We’ll see what position he plays whether the three or the two. Whatever position he plays, our guys will have a tough match-up. He’s gotten stronger. He is a big wingman. He is a pretty tall guy to play a wing position. He actually plays point guard, shooting guard. His ball handling has improved a lot as well as his perimeter shooting,” saad ni Black.
Sa parehong araw naman ay maghaharap ang Alaska at Columbian sa second game sa ganap na 6:45 p.m. Sa iba pang laro sa unang linggo ng Commissioner’s Cup, maghaharap ang NorthPort at Alaska sa oras na 4:30 p.m. habang magtutunggali ang NLEX at TNT ng 7 ng gabi sa Mayo 22 sa Ynares Center sa Antipolo.





Comments