Kahalagahan ng pagkakakilanlan sa mga kandidato para sa halalan

DALAWANG araw na lang, halalan na. Kilala na ba talaga natin ang mga kandidato? Gaano kahalagang makilala ang mga kandidato, anumang posisyon ang tinatakbuhan nito mula sa pinakamababa hanggang sa pinakamataas?
Nakalulungkot isiping may mga botanteng hindi kilala kung sino ang kanilang mga iboboto sa Lunes, ika-13 ng Mayo 2019.
Limang araw mula nang inilunsad natin ang ‘8K Diretso’, ang takbo para sagipin ang pagkatao at kaluluwa ng mga Pilipino. Ilang taon na tayong lumalahok sa eleksiyon, naging bahagi tayo ng paghalal sa anim na pangulo mula 1986. Napakabata pa natin nang tumakbo sa pinakamataas na posisyon sa Republika ng Pilipinas si dating Pangulong Ferdinand Marcos noong 1965.
Ngunit, hindi nagtagal nang tayo ay pumasok ng seminaryo, namulat tayo sa mga kalabisan, pang-aabuso at katiwalian ni ex-P-Marcos. Mula noon, hindi natin binitiwan ang ating pananampalataya at pagmamahal natin sa Diyos at Inang Bayan.
Noong 1977, itinatag ng ilan sa mga seminarista ang samahang ‘GOMBURZA’ na sumusunod sa motto na, “Kristiyano ako kaya Makabayan.”
Malalim na kaugnayan ng kalooban, kamalayan, pananaw, pagkatao at kaluluwa sa mga sinasabi at ginagawa natin. Hindi maaaring magsalita at gumawa nang walang malalim na pinag-uugatan o pinaghuhugutan.
Hindi ba, ito ang ibig sabihin ng Ebanghelyo noong nakaraang Huwebes? “Walang makalalapit sa Akin maliban kung dalhin siya ng Amang nagsugo sa Akin. At ang lalapit sa Akin ay muli kong bubuhayin sa huling araw. Nasusulat sa aklat ng mga propeta, “at lahat sila ay tuturuan ng Diyos.” (Juan 6: 44)
Malalim ang kaugnayan ng Diyos sa ating lahat, isipin man natin ito o hindi ngunit, kung mayroon tayong panananampalataya, mag-iiba ang tingin natin sa lahat ng bagay. Lalalim ang pang-unawa natin sa mga bagay na karaniwang binabalewala ng marami.
Kaya naman, ganu’n na lang kahalaga ang “8K” o ang walong prinsipyo na ating itinatakbo mula noong nakaraang Linggo, ika-5 ng Mayo hanggang bukas. Galing sa kaloob-looban ng bawat isa ang karangalan, katotohanan, katarungan, katapatan, katapangan, kasarinlan, kababaang-loob at kabanalan.
Tingnan natin kung paano bumababaw at nawawalan ng lalim ang kalooban ng tao kung ipinaiiral nito sa kanyang buhay ang alinman sa mga sumusunod: Kasinungalian, lalo na ang tuwirang pagkakalat ng hindi totoong balita o “fake news; kawalan ng katarungan; paggamit ng kapangyarihan at salapi sa pag-uusig ng mga inosente; kahandaang mandaya; magnakaw at pagtakpan ang katiwalian; kaduwagang nagtatago sa pagiging “bully” sa maling paggamit ng puwersa at lakas; kawalan ng pagmamahal sa sariling bayan; kawalan ng pakikinig at kabukasang tumanggap ng puna, tulong at positibong mungkahi at kawalan ng paggalang sa Diyos.
Balikan natin ang mga katanungan sa simula, sino ka, sino ang kandidato mo? Sino tayo, sino ang kandidato natin? Kailangan nating piliin ang mga kandidatong muling magpapalalim at bubuo sa bumabaw na kamalayan natin.
Kung pumapayag tayo sa mga bagay na taliwas sa ating pagkatao at pagka-Pilipino, pag-uugaling magaspang, walang pakundangan sa Inang Bayan. Maaari tayong magluksa at magdalamhati sa kamatayan ng ating lahi at bansang ipinaglaban ng ating mga bayani.
Maaari tayong lumahok sa hanay ng mga traydor at taksil na tinalikuran kung ano at sino tayo bilang Pilipino.
Piliin natin nang husto ang kandidatong may talino, lakas at tapang na isama tayo sa paghihilom at muling pagpapatingkad ng ating kaugalian at kalooban.
Piliin natin ang mga kandidatong isasama at bubuuin tayong muli upang ipaglaban ang ating soberanya at kasarinlan laban sa sinuman o anumang bansang nangangahas na sakupin at burahin ang lahat ng nagbibigay-hugis, lalim at kabuuan sa ating lahat.





Comments