Binalian ng leeg, inumpog, sinabuyan ng sabaw | MISIS NAGSELOS SA FB POST NI MISTER, PATAY

PATAY ang 43-anyos na ginang sa Cebu City makaraang balian ng leeg, iumpog sa semento at sinabuyan ng sabaw ng kanyang kinakasama dahil sa pagseselos sa isang post sa Facebook.
Kinilala ang biktima na si Maria Theresa Omagac, residente ng Bgy. Guadalupe.
Sa salaysay ng 15-anyos na anak ni Omagac, nagluluto ng tinolang manok ang kanilang ama na si Raul Quecho nang magkaroon ng pagtatalo ang kanyang mga magulang noong Biyernes ng gabi.
Nauwi umano sa pananakit ni Quecho kay Omagac ang kanilang alitan.
“Nagluluto ng tinolang manok ‘yung papa ko, kumuha siya ng sili tapos inilagay sa sabaw, ibinuhos niya sa mama ko,” kuwento ng anak ni Omagac.
Kinabuksan, naging kapansin-pansin ang panghihina ng ginang na hindi na maigalaw ang namamaga nitong leeg.
Linggo na ng umaga nang makitang hindi na gumagalaw si Omagac kaya isinugod ito sa ospital ngunit, hindi na umabot ng buhay ang ginang.
Nabatid pa mula sa anak ni Omagac na nag-ugat ang pag-aaway ng kanyang mga magulang nang sitahin ng ginang ang suspek dahil sa pinagselosan umano nitong post sa Facebook ng huli.
“’Yung ano kasi ng papa ko noon sa Bohol, nag-post ng picture ng mama at papa niya noon na ikinasal. Nakita ‘yun ng mama ko sa Facebook tapos parang nagseselos. Maingay na si mama hanggang sa nasaktan siya ni papa,” ayon pa sa binatilyo.
Sinabi naman ng kapatid ni Omagac na malimit na sinasaktan ng suspek ang biktima.
Nasa kustodiya na ng pulisya si Quecho na sinampahan ng kasong murder. Gayunman, aminado ang mga awtoridad na nahihirapan silang ipursige ang asunto laban sa suspek dahil sa pagtanggi ng mga kamag-anak ng ginang na makipagtulungan para sa mga karagdagang testimonya at ebidensiya.





Comments