MARINERO, PA-PLAYOFFS NA NANGGIBA SA D-LEAGUE
- BULGAR

- May 10, 2019
- 1 min read

NAGAWANG panatilihing buhay ng Marinerong Pilipino ang pag-asa nilang umusad sa 2019 PBA D-League playoffs pagkaraang talunin ang Metropac-San Beda, 88-85, sa overtime kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig.
Umiskor ng tig-16 puntos sina Art Aquino at Larry Rodriguez upang pangunahan ang nasabing panalo ng Skippers. Sinundan sila ni Santi Santillan na nag-ambag ng double-double 15 puntos at 14 rebounds.
Nagawa pang mailapit ni Clint Doliguez ang Metropac-San Beda sa huling pagkakataon, 85-88, may nalalabi pang 14.5 segundo sa overtime. Subalit iyon na ang naging final count ng laban matapos mabigo si James Canlas na ihatid ang laro sa second overtime nang sumablay ang kanyang 3-point attempt na muli sanang magpapatabla sa iskor. “Sinasabi namin sa kanila, ‘yung chance wala sa kamay natin, pero ang trabaho is ‘yung natitirang dalawa nating laro. At least ‘yung chance, nand’yan pa,” pahayag ni Skippers coach Yong Garcia.
Umakyat ang Marinerong Pilipino sa patas na markang 4-4, panalo-talo sa Foundation Group dahil sa kanilang panalo.
Gayunman, dapat nilang maipanalo ang huling laro kontra University of Perpetual at umasang mabigo ang CEU sa Mayo 23 upang makamit ang huling playoff seat.
Sanhi naman ng kabiguan, ganap na pinapasok ng Metropac-San Beda na nalaglag sa markang 6-3 ang mga nangungunang CEU at Valencia City Bukidnon-SSCR bilang top two seeds na may twice-to-beat advantages sa playoffs.
Sa ikalawang laban, tinapos ng Petron-Letran ang eliminations sa pamamagitan ng 115-73 pagdurog sa Batangas-EAC. Pinangunahan ni Alvin Pasaol ang naturang panalo ng Knights sa ipinoste nitong 29 puntos, 11 rebounds at 5 assists. (VA)





Comments