Programa ng pamahalaan na tumutulong para wakasan ang tuberculosis sa bansa

Dear Chief Acosta,
Magandang araw! Malakas manigarilyo ang aking tiyuhin kaya nagkaroon siya ng tubercolosis. Gusto namin siyang maipagamot ngunit, hindi sapat ang pera ng aming pamilya. Wala siyang asawa o anak at tanging kami lamang ang kanyang pamilya. Nais naming malaman kung mayroon bang programa ang ating pamahalaan para tuluyang wakasan ang sakit na tuberculosis sa Pilipinas? Maraming salamat! — Danny
Dear Danny,
Para sa inyong kaalaman, ang inyong katanungan ay binigyang-linaw ng Section 4 ng Republic Act No 10767 o mas kilala sa tawag na “Comprehensive Tuberculosis Elimination Plan Act” kung saan nakasaad ang Comprehensive Philippine Plan of Action na isinusulong ng ating pamahalaan sa pamamagitan ng Department of Health (DOH) upang tuluyang wakasan ang sakit na tuberculosis sa bansa.
Ang nabanggit na Plan of Action ay binubuo ng mga sumusunod: (a) Target at estratehiya ng bansa sa pagtugon sa nasabing sakit; (b) pag-iwas, pagsusuri, paggamot, pangangalaga at suporta at iba pang bahagi ng pagtugon ng ating bansa; (c) pagpapaunlad at paggamit ng naaangkop na mga teknolohiya upang masuri at gamutin ang nasabing sakit; (d) pagpapalakas ng ugnayan sa mga lokal at internasyunal na organisasyon para sa posibleng pakikipagsosyo sa edukasyon, pagtataguyod, pananaliksik at tulong sa pagpopondo; (e) pagtatag ng sistema ng pagrerepaso at pagsubaybay upang tipunin ang petsa at subaybayan ang pag-unlad na ginawa sa pag-aalis ng nasabing sakit at (f) kagyat na pagpapakilos ng mga serbisyong anti-TB sa panahon at pagkatapos ng mga kalamidad na likas at gawa ng tao sa pamamagitan ng pagsisikap ng pambansa at lokal na pamahalaan at iba pang organisasyon.
Nakasaad din sa Section 7 ng nasabing batas ang pagpapalakas ng mga Regional Center for Health Development upang tuluyang wakasan ang sakit na tuberculosis sa pamamagitan ng pagbibigay ng libreng laboratory services sa mga ospital na pinananatili ng DOH at pagbibigay ng libreng gamot sa mga pasyente sa pamamagitan ng local health centers at pakikipag-ugnayan sa mga local government unit (LGU) upang siguraduhing may sapat na suplay ng gamot para sa komunidad na kanilang nasasakupan.
Nawa ay nasagot namin ang inyong katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.
Maraming salamat sa patuloy ninyong pagtitiwala.





Comments