EXCITED NA ANG UST GOLDEN TIGRESSES SA WOMEN’S FINALS


HINDI matapus-tapos ang pagdiriwang ng University of Santo Tomas (UST) Golden Tigresses at ng kanilang fans dahil magpahanggang ngayon ay tuwang-tuwa sila nang tuldukan na ang 8 taon na pagkakatigang nila sa finals sa UAAP ’81 women’s volleyball noong Linggo.
Sa pamumuno ni rookie ace Eya Laure at team captain Sisi Rondina na nagsilbing sandata nila sa pangmalakasang bakbakan, pinatalsik ng Tigresses ang three-time defending champion De La Salle University sa 5-set thriller at makatutuntong na sila sa finals berth sa UAAP Season ’81.
Naghihintay pa sa ngayon ang Tigresses para sa kanilang makakalaban sa best-of-3 championship series habang nakapuwersa naman ang fourth-seeded Far Eastern University (FEU) ng do-or-die game laban sa top-seeded Ateneo de Manila University para sa isa pang finals ticket.
Niliwanag ni UST head coach Kung Fu Reyes noong Linggo na wala silang pinipiling kasagupa.
Ang Tigresses na rin ang siyang hinihinalang unang sasalang sa finals habang nag-aagawan pa ang FEU at Ateneo sa finals berth.
Nagkahiwalay ng landas ang UST at FEU sa elimination round meetings. Humatak ang Lady Tamaraws ng 19-25, 25-20, 25-19, 27-25 triumph sa first round, pero nakabawi ang Tigresses nang walisin nila ang second round meeting, 25-23, 25-18, 25-23. Hindi pa natatalo ng UST ang Ateneo mula sa second round ng UAAP Season 74. (VA/MC)





Comments