top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Establisimyento sa 'Pinas na eksklusibo sa mga Chinese, diskriminasyon sa mga Pinoy!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 9, 2019
  • 2 min read

HINDI tayo makapaniwala nang malaman natin na may negosyo sa Pilipinas na mga taga-China lang ang gustong maging parukyano. May kainan daw sa Las Piñas kung saan mga Chinese lang ang customer. Bakit pinapayagan ang ganitong sistema kung saan ang mga Pilipino pa sa sariling bansa ang nakararanas ng diskriminasyon? Eh, ang mga “Tsinoy”, puwede bang kumain doon? Nakadidismaya naman ang ideyang ito, ano kaya ang iniisip ng may-ari ng negosyong ito para ipatupad ang ganyang patakaran?

Isa pa, nakapagtataka kung bakit binigyan ng pahintulot ng lokal na pamahalaan ang ganyang klaseng negosyo?

Sa totoo lang, natural lang na naging malakas ang panawagang ipasara ang nasabing kainan. May ilang mambabatas ang sumang-ayon sa panawagan at iimbestigahan din daw ito ng Palasyo. Dapat may mabilis itong resulta, gaano ba kahirap magtungo sa nasabing kainan at alamin kung totoo na ang mga Chinese, galing China o Tsinoy lang daw ang nais na kliyente? Kung totoo, hindi ba, “hard slap” ito sa mga Pilipino?

Hindi puwedeng i-tolerate o ipagpatuloy ang pahintulot sa nasabing kainan kung totoo man ang mga akusasyon dahil kapag pinabayaan, tiyak hindi magtatagal ay maraming susunod sa kanilang ginawa. Mapapailing ka na lang talaga sa pag-iisip ng ilang taga-China na sila ang naghahari-hari sa bansa.

◘◘◘

Hindi raw basta-basta makatatanggap ng libreng tulong-ligal si Peter Joemel Advincula, ang lumutang at nagpakilalang si “Bikoy” na nasa likod ng viral video na kumalat sa social media kung saan inakusahan niya ang ilang miyembro ng pamilya ni Pangulong Rodrigo Duterte na sangkot sa iligal na droga at tumatanggap ng milyun-milyon galing sa mga sindikato.

Lumutang si Advincula sa Integrated Bar of the Philippines (IBP) at humingi ng tulong dahil may banta umano sa kanyang buhay.

Ayon sa IBP, kailangan ng masusing imbestigasyon sa mga alegasyon ni Advin­cula, bago mabigyan ng libreng tulong. Halimbawa, paano niya nakuha ang mga impormasyong binanggit sa mga video niya, kanino o saan galing ang impormasyon? Ano ang kanyang tunay na pagkatao at bakit may hawak siyang ganyang impormasyon at ebidensiya?

Hindi tayo nagtataka sa pahayag ng IBP at kailangang siguraduhin kung magiging kliyente nila si “Bikoy”, may katotohanan na ang kanyang isiniwalat o paninira lang sa kasulukuyang administrasyon? Sana lang, malaman natin ito kaagad.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page