Kandidatong sangkot sa vote-buying, hindi agad madi-disqualify — Comelec

NILINAW ng Commission on Elections (Comelec) na hindi agad madidiskuwalipika ang mga kandidatong hinihinalang sangkot sa vote-buying.
Ginawa ni Comelec Spokesperson James Jimenez ang paglilinaw kasunod sa pagkakaaresto ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa 10 katao nitong Sabado na sinasabing sangkot umano sa vote-buying incident sa Bgy. Zapote 5, Bacoor City.
Ayon sa CIDG, nakarekober sila ng mga bundle ng mga small brown envelope na naglalaman ng tig-P200 o kabuuang P75,800 mula sa mga ito.
Nakarekober din ang mga awtoridad ng P83,500 cash, plastic bag na may mga pulang wristband at dalawang puting campaign shirts na may nakaimprentang “Tapat sa Bayan, Tapat sa Usapan Jonvic Remulla Gobernador at Jolo Revilla Bise-Gobernador” at ‘Wow Pilipinas’ sa likod.
Paliwanag ni Jimenez, sa ngayon ay wala pang diskuwalipikasyon na magaganap dahil hindi naman ganu’n kabilis ang proseso hinggil dito.
Kailangan pa aniya nilang hintayin ang resulta ng imbestigasyon sa insidente.
Una nang itinanggi ni Remulla na ang perang nakumpiska mula sa mga supporter ni Revilla ay ipambibili ng boto.
Binigyang-diin nito na ang nasabing mga pera ay para sa transportation allowance ng kanilang watcher na sasailalim sa pagsasanay sa Cavite.





Comments