Kahit mag-ambisyong magkapuwesto sa Senado | Kapalpakan ni Mar Roxas sa MRT, hindi makakalimutan

KUNG hindi rin naman makapal ang mukha ni Mar Roxas, sa tingin ba niya ay “engot” ang mga Pinoy? Magaling at mautak daw siya kaya dapat ihalal sa Senado, nakupooo!
Nakalimutan na ba niya o ng mga botante na ang MRT-3 ay nag-umpisang nagloko noong siya ang namamahala rito kung saan siya ang kalihim ng Department of Transportation and Communication (DOTC)?
Napakahusay nang pagtakbo ng MRT-3 noong panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Kahit maraming may kotse noon ay iniiwan nila ang kanilang sasakyan tulad sa Quezon City at sumasakay ng MRT-3 para mas mabilis silang makaabot ng Makati. Isang dahilan ito kaya hindi ganu’n katindi ang trapiko noon sa EDSA.
Eh, ano ang nangyari nang inilagay si Roxas na mamuno ng DOTC na nangangasiwa ng MRT-3? Minaniobra nila ni Emilio Abaya (bata niyang sumunod sa kanya) na tanggalin ang kontrata sa pagme-maintenance ng MRT-3 ng Sumitomo. Ito ang Japanese Company na gumawa mismo ng MRT-3.
Ang nangyari ay ibinigay ang kontrata sa PH-Trams, ang nasa likod ay kilalang pinansiyer ng Liberal Party.
Ang akala nila ay limpak-limpak ang kanilang kikitain dahil ang kontrata ay P50 milyon daw kada buwan.
Ang hindi alam ng mga gunggong at gahamang ito ay napakaliit ng kita o nalulugi pa ang kumpanya dahil malaki ang gastos sa pagkakaroon ng malaking supply ng materyales para tumakbo nang maayos ang MRT-3.
Hindi basta mabibili ang materyales at spare- parts nito sa hardware at iniimpok ito sa ibang bansa at ini-stock.
Nagtitiyaga lang ito sa pag-maintenance ng MRT-3 kahit maliit ang kita o madalas lugi dahil “advertisement” nila ang MRT-3 sa mundo na mahusay silang gumawa ng train.
Kaya para kumita ay nagtipid ang kumpanya sa pag-stock ng materyales.
Kaya naman kung may masirang bagon (train car), walang spareparts. Iginagarahe lang kapag nasira at kapag may nasira ulit ay saka lang kukuha ng materyales na kailangan sa naunang naigaraheng bagon.
Kaya ang nangyari ay paunti nang paunti ang mga bagon mula 60 noong panahon ni ex-P-GMA ay naging 24 na lang ang mga ito.
Ano ang resulta? Eh, ‘di mas matagal ang dating ng mga tren kaya naghihintay ang mga tao ng mahabang oras.
Isa pang dahilan kaya tumatagal ang proseso, kung hindi napapalitan ang mga nasisirang parte ng isang bagon o ng buong tren, siyempre, hindi ito makatatakbo nang mabilis.
Halimbawa, hindi napalitan ang maraming bakal na gulong nito kaya naging oblong na dahilan kaya mabilis ang takbo ng mga bagon nito sa riles.
Nang mabuking ang PH-Trams, sa ibang kumpanya naman na malapit sa dilawan ang nakakuha ng kontrata, ito ang BURI, magkano ang kontratra? P4 bilyon!
Sa kamamadali nilang ibigay ang kontrata sa BURI, lumala ang pagsingaw ng anomalya. Halatang inayos lang nila ang ‘bidding’.
Sa sobrang garapal, naghain ng plunder charges ang gobyerno ni Pangulong Duterte laban kina Roxas, Abaya at iba pang opisyales ni ex-P-Aquino na sangkot sa pambababoy ng MRT-3.
Suwerte lang sila dahil kakampi nila ang Ombudsman noon na si Conchita Carpio-Morales. Inalis ni Morales si Roxas sa mga nasakdal at imbes na plunder, ginawa ni Morales na “graft” lang.
Pero, noong Hulyo 2018 ay nag-retired na si Morales. Patay sila, malamang ay muling uusad ang kaso laban sa kanila.
Ang suspetsa natin ay gusto lang bumalik ni Roxas sa Senado dahil sa takot na maisama ulit siya sa kaso.
Kapag senador kasi ay nag-aalinlangan ang mga tao sa Ombudsman at sa Sandiganbayan na tuluyan ka!





Comments