Kaalaman tungkol sa luga o ear discharge
- BULGAR

- May 8, 2019
- 2 min read
Dear Doc. Shane,
May lumalabas na likido na kulay brown sa mga tainga ng kaibigan ko, ito ba ang tinatawag na luga? Ang sabi niya ay nakararamdam daw nito kapag siya ay may sipon at para raw siyang nabibingi kung minsan. Ayaw naman daw niyang kalikutin ng cotton buds dahil natatakot siyang baka masundot niya ang pinakaloob ng kanyang tainga. Hindi rin siya makapunta sa doktor dahil kapos raw siya sa pera at oras. Sa totoo lang, concern ako sa kanya kaya nais kong malaman kung ano ang mga dapat niya gawin para rito? — Esmi
Sagot
Ang earwax o tutuli ay sinasabing natural by-product. Ito ay talagang ipino-produce o ginagawa sa loob ng mga tainga. Sa loob ng ating mga tainga ay mayroong glands na nagpo-produce ng tutuli.
Kapag ang tutuli ay naipon sa loob ng tainga, maaaring magkaroon ng impeksiyon na dahilan kaya nagkakaroon ng luga o ear discharge.
Ang luga ay puwedeng manggaling sa impeksiyon sa loob ng tainga, ‘yung ear canal na tinatawag o puwede ring ang involved na part ng tainga ay ‘yung middle ear na tinatawag.
Narito ang ilang sintomas para malaman kung may ear discharge ang pasyente:
May tumutulo sa tainga ng pasyente na kulay dilaw o berdeng likido.
Mapapansin na humihina ang kanyang pandinig.
Pagdurugo sa loob ng mga tainga.
Ilan pa sa maaaring dahilan nito ay ang pagpasok ng matigas na bagay sa mga tainga na nagiging dahilan ng pagkasugat ng eardrum o ear canal. Mayroon ding tinatawag na “swimmer’s ear” o ang kondisyon kung saan napasukan ang tainga ng maruming tubig.
Kung minsan, nagkakaroon din ng ear discharge ang tao dahil sa matinding sipon o nasal allergies.
Pagdating sa kulay, malaki ang pagkakaiba ng tutuli at luga. Kulay brown na may halong dilaw ang tutuli, samantalang, kulay dilaw hanggang berde naman ang kulay ng luga. Maaari ring mangamoy ang luga, lalo na kung hindi maagapang tanggalin ito sa tainga.
Narito ang maaaring makatulong upang hindi ito lumala:
Linisin ang labas ng tainga gamit ang cotton buds. Kung lilinisin naman ang loob ng mga tainga, lagyan ng oil ang cotton buds at dahan-dahan itong linisin. Huwag piliting linisin ang pinakadulo nito. Umiwas din na mapasukan ito ng tubig kapag naliligo o lumalangoy. Gumamit ng swimming cap o shower cap.
Huwag ding magpapasok ng matitigas at matutulis na bagay sa mga tainga.
Mas mainam kung maipa-check-up ito sa ENT specialist kung ito ay hindi kayang linisin at may masakit na nararamdaman na parang nabibingi dahil dito.




Comments