top of page

Hirit ng Palasyo, basura ng iba’t ibang bansa, hindi na hahayaang makapasok muli sa Pilipinas!

  • Ryan B. Sison
  • May 8, 2019
  • 1 min read

“BASURA mo, linis mo”, ito ang dapat tu­ma­tak sa isip ng mga Pinoy, gayundin, sa ibang nasyon na tila ginagawang basurahan ang Pilipinas dahil sa madalas na pagpapadala ng kanilang mga basura mula pa noong 2013.

Gayunman, sa pahayag ni Pangulong Rod­rigo Duterte noong Lunes sa 37th Cabinet Meeting, sinabi niyang wala na umanong ba­lak ang bansa na tumanggap ng anumang uri ng waste material mula sa iba’t ibang bansa.

Kung saan inatasan umano ng pangulo ang lahat ng sangay ng pamahalaan na huwag nang pumayag tumanggap ng basura mula sa ibang bansa kahit kailan.

Dapat lang! Dahil hindi naman tayo garbage collector, lalo na at marami ring basura sa atin na hindi maubus-ubos dahil sa mga walang disiplinang mamamayan.

Sa totoo lang, nakapagtataka dahil ilang beses ng may nakalusot na mga basura na dapat noong umpisa pa lang ay pinigilan na kung talagang hindi hinahayaan.

Pero, dahil nangyari na, ang kailangan nalang nating iwasan ay huwag itong maulit dahil bukod sa hindi maganda ay nakaiinsulto pa.

Matatandaang, umabot sa 103 containers ang itinapon ng Canada sa bansa noong 2013 at 2014 kung saan karamihan sa mga basura ay mga diaper, plastic bottle at iba pa.

Kaya ang hiling natin ngayon ay paigtingin pa ang seguridad ng bansa laban sa mga ba­sura ng iba na sa atin pilit isinisiksik at inia­asa.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page