BILLIARD GOLDS SA 30TH SEAG, PIPILITIN NG MGA BATA NI DJANGO
- Clyde Mariano
- May 8, 2019
- 1 min read

TULAD ng ibang coaches na gustong kunin ang lahat ng medalya sa 30th Southeast Asian Games, ganoon din si billiard coach Francisco “Django” Bustamante at ayon sa kanya kung siya ang masusunod pipilitin ng mga Pinoy na kunin ang lahat na ginto para sa katuwaan ng Pinoy billiard fans.
“Lahat ng coaches ‘yan ang nasa isip.Ganoon din ako. Kung ako ang masusunod kunin lahat ang ginto at huwag tirhan ang mga kalaban. Hindi nga lang puwede dahil malakas din ang mga kalaban at kakayanang manalo,” sabi ni Bustamante sa panayam sa kanya habang naglalakad patungo sa kanilang training center sa second floor ng PCSM building.
“Mataas ang morale at inspiradong manalo dahil sa atin gagawin ang SEA Games. Lahat gustong magpakita at magpasiklab sa harap ng kanilang mga kababayan na manonood sa kanila. Nasa atin ang lahat na pabor dahil dito gagawin sa atin ang SEA Games,” wika ng dating world champion na tubong Tarlac.
Kasalukuyang nasa elimination pa ang mga aspirants at ayon sa kanya ilalabas ang official line-up bago mag-SEAG.
Ang 30th edition, 11-nation biennial meet ay lalarga sa Nob.30 na tatagal hanggang Dis. 11 sa state-of-the-art New Clark City Sports Complex sa Tarlac City. “Ang wish ko sana manalo muli tulad nang ginawa nila sa dalawang SEA Games sa Singapore at Malaysia,” ani Bustamante.
Dinomina ng mga Pinoy ang billiards sa dalawang SEA Games sa Singapore at Malaysia sa kabayanihan nina Carlo Biado, Warren Kiamco, Dennis Orcollo at Rubilyn Amit at Chezka Centeno.
Inaasahang mapipili uli sina world champion Biado, Orcollo, Kiamco, Amit at Centeno at pangunahan muli ang medal campaign ng ‘Pinas.





Comments