Sapat at ligtas na inumin sa mga manggagawa

Dear Chief Acosta,
Matagal na akong nagtatrabaho bilang factory worker sa kumpanya ng biskuwit. Sa totoo lang, hindi ganu’n kalaki ang aking pinagtatrabahuhan at isa sa problema namin ay madalas mawalan ng inuming tubig sa lugar kung saan kami nagtatrabaho. Bagama’t, sinabi namin ito sa kinauukulan, hindi nila ito ginawan ng paraan. Sobrang napeperhuwisyo na kami, lalo na at napakainit ng panahon. Nais naming malaman kung ano ba ang aming karapatan tungkol dito? Maraming salamat! — Nancy
Dear Nancy,
Para sa inyong kaalaman, ang inyong katanungan ay tinatalakay sa Section 19 ng Republic Act No. 11058 o “An Act Strengthening Compliance with Occupational Safety and Health Standards and Providing Penalties For Violations Thereof.” Nabanggit sa probisyon ng batas na ito na:
“Section 19. Worker’s Welfare Facilities. - All establishments, projects, sites and all other places where work is being undertaken shall have the following welfare facilities in order to ensure humane working conditions:
(a) Adequate supply of safe drinking water;
xxx.” (Binigyang-diin)
Malinaw sa nabanggit na probisyon ng batas na lahat ng lugar kung saan nagtatrabaho ang mga manggagawa ay kinakailangang magkaroon ng sapat at ligtas na inuming-tubig. Kaya naman, karapatan ninyong mga manggagawa ang magkaroon ng sapat na supply ng tubig.
Nawa ay nasagot namin ang inyong katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.
Maraming salamat sa patuloy ninyong pagtitiwala.





Comments