top of page
Pokwang.jpg

Maging alisto sa mga kawatan na mananalisi ngayong halalan

Writer: BULGAR
BULGAR
May 7, 2019
2 min read

MGA ka-BULGAR, halos isang linggo na lang ay magtutungo na ang mga kababayan nating botanteng Pilipino sa kani-kanyang presinto o polling precinct para hanapin ang kanilang mga pangalan kung saan sila naka-assign para makaboto.

Gayunman, sa mga nakalap na intelligence report ng kapulisan, kasabay nito ay pinaghahandaan na rin umano ng mga kawatan ang okasyong ito para sabayan ng mga animal na ito ang pagdagsa ng mga kababayan nating boboto ngayong Mayo 13, 2019 Midterm Elections.

Ayon sa ulat, ang modus ng mga hinayupak na ito ay ang magkukunwaring mga botante rin na sumasabay sa pagdagsa ng mga kababayan nating hinahanap ang kanilang mga pangalan sa Comelec masterlist na nakapaskil sa mga polling precinct sa eskuwelahan.

Magkukunwaring tumitingin-tingin din sa masterlist, pero ang tinitingnan o iniispatan ay ang mga bag ng kababaihan, partikular na ang mga senior citizen na kaya nilang biktimahin.

Ayon sa nakausap nating mga parak, tatlo hanggang apat na kala­lakihang suspek ang “gumagalaw” para nakawan ang biktima na abala sa paghahanap ng kanyang o kanilang mga pangalan na kapag may kursunada nang biktimahin ay agad lalapitan ang bag ng biktima kung saan nakakober o tinatakpan naman ng dalawang suspek ang kasabwat nitong dudukot sa mahahalagang gamit ng biktima na ang isa naman ay magsasalita nang malakas para ang atensiyon ng ibang nasa pila ay mabaling sa suspek na nagsalita para hindi mapansin ang ginagawang pagdukot ng kasabwat nito sa mga importanteng gamit ng kaawa-awang biktima.

Mga ka-BULGAR, kung kayo ay botante at boboto na ngayong election, maging mapagmasid, makiramdam sa mga taong nagkukunwaring mga botante rin pero mga kawatan pala na sinasamantala ang okasyon.

‘Wag na rin kayong magdadala ng mga mahahalagang gamit, lalo na ang alahas na target nakawin ng mga walanghiya ngayong 2019 Midterm Elections para hindi tayo masingitan ng mga demonyong ito.

Nagpapasalamat ang inyong ling­kod sa mga kaibigan nating alagad ng batas sa ibinahagi nilang kaalaman para ma-educate ang publi­ko sa ganitong modus-operandi ng mga hinayupak at perhuwisyo ng lipunan.

Ikaw kaibigan, anong sey mo?

Laging tatandaan, walang maloloko kung walang magpapaloko!

Ligtas ang may alam!

Kaya ikaw, ako, tayo… mag-ingat!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page