Sticker seal sa ballot box, sira

PINUNA ng mga kinatawan ng mga kandidato sa Maynila ang mga sirang Commission on Elections (Comelec) sticker seal sa mga idineliver na kahon ng mga official ballot na gagamitin sa mid-term elections sa Mayo 13.
Napansin ng mga kinatawan nina Mayoralty candidate dating Vice-Mayor Franciso ‘Isko”’ Domagoso, dating Manila Mayor Alfredo Lim at maging ni Josephine Daza, officer-in-charge ng Manila City Treasurer’s Office, na siyang itinalaga ng Comelec para magtago sa mga balota, ang mga sirang sticker seal na ang karamihan ay punit sa gitna.
Alas-12:00 ng hatinggabi nang i-deliver ng mga kinatawan ng Comelec ang mga kahon na naglalaman ng official ballots kung saan maging ang isa sa 12 plastic seals na may bar code na nakalagay sa locks ng trucks ay nakitang sira rin.
Sinabi naman ng cargo delivery representatives na nasira ang mga sticker seal habang gumagalaw ang sasakyan papunta sa destinasyon.
Ang naturang official ballot boxes ay para sa 1,502 presinto kung saan ang bawat kahon ay may nakalagay na label tulad ng ballot ID, cluster precinct number, municipality, province at region kung saan ito gagamitin.
Tiniyak naman ni Daza na magsusumite siya ng report sa Comelec kaugnay sa mga nakitang sirang sticker seal.
Itinago ang kahun-kahong ballot boxes sa dalawang kuwarto ng Manila Treasurer’s Office at maging ang mga bintana, cabinet at pintuan ay tiniyak na secured.
Nilagyan din ng locks at seal na nilagdaan ng mga kinatawan ng mga kandidato ang pintuan kung saan tumagal ng anim na oras ang buong proseso.
May mga idineploy ding pulis sa lugar para magkaloob ng seguridad sa mga balota at maging ang mga kinatawan ng mga partylist group ay nasa labas ng MCTO.
Samantala, pinag-aaralan naman ng mga abogado ng mga kandidato ang mga hakbang na gagawin sa mga nakitang sirang sticker seal ng Comelec.





Comments