Kaliwa't kanan na ang taas-presyo, rating ni P-Digong mataas pa rin?!

PAGTAAS NG PRESYO NG SARDINAS AT INSTANT NOODLES, IKINATAAS NG RATING NI P-DUTERTE?—Dalawang araw matapos tumaas ang presyo ng sardinas at instant noodles, naglabas ng survey ang Social Weather Stations (SWS) na kesyo tumaas daw ang rating ni P-Duterte.
Para namang nakakaloko ang SWS kasi tumaas na ang presyo ng mga bilihin, eh, sa survey nila, tumaas din ang rating ng pangulo.
Hindi naman engot ang mga Pinoy para palakpakan ang gobyernong nagpapataas sa presyo ng mga bilihin, period!
◘◘◘
ANG NAGSABING LUMAGO ANG EKONOMIYA AY MGA APPOINTEE NI P-DUTERTE SA NEDA AT PSA—Nag-boom na rin daw ang ekonomiya ng Pilipinas sa ilalim ng Duterte gov’t.
Sobrang taas na nga raw. Siyanga pala, ang nagsabi na lumago ang ekonomiya ng Pilipinas ay ang mga appointee ni P-Duterte sa National Economic Development Authority (NEDA) at Philippine Statistics Authority (PSA), boom!
◘◘◘
‘ANYARE SA PILIPINAS? HALOS LAHAT NG GOV’T. PROJECTS, MAY NAGWO-WORK NA CHINESE—Kinumpirma ng National Irrigation Administration (NIA) na bukod sa mga Pinoy ay may kinuha rin silang mga Chinese worker sa Chico River Project sa Cordillera Region.
‘Anyare sa Pilipinas? Mantakin ninyo, halos lahat yata ng proyekto ng gobyerno, may nagtatrabahong sangkaterbang Chinese, buwisit!
◘◘◘
NAG-SHARE NG VIDEO NI ‘BIKOY’, DAKMA AGAD; ‘TITA NANIE’ NA SABIT SA P6.4 BILYON SHABU SMUGGLING, HINDI MAHULI?—Nang i-share sa Facebook ni Rodel Jayme ang video ni alyas Bikoy na nagsangkot sa pamilya ni P-Duterte sa kalakaran ng iligal na droga sa bansa ay agad itong inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI).
Pambihira, nag-share lang, dinampot na agad, pero ang ibinulgar ni Bureau of Customs fixer Mark Taguba sa Senado noong Agosto 2017 na si alyas Tita Nanie ng “Davao Group” ang kabilang sa sangkot sa nagpuslit ng P6.4 billion worth ng shabu sa Adwana, hanggang ngayon ay hindi pa hinuhuli ng NBI, pwe!





Comments