Huwag mag-over voting —Comelec

ISANG linggo bago ang May 13 midterm polls, muling nagpaalala ang Commission on Elections (Comelec) sa mga botante laban sa ‘over voting’.
Ayon kay Atty. Frances Arabe, director ng Comelec-Education and Information Division (EID), ang ‘over voting’ ay ang pagsobra ng kandidatong iboboto mo sa bilang ng mga posisyon na dapat na iboto.
Halimbawa aniya, sa mga senador ay 12 lamang ang dapat na iboto at hindi lalagpas dito.
Paliwanag ng poll official, hindi babasahin ng vote counting machines (VCMs) ang balota na may over voting.
Kaya mangangahulugan aniya ito ng pagkabalewala ng boto ng botante.
Ang pinapayagan lamang aniya ay ang under voting o huwag bumoto sa isang partikular na posisyon at tatanggapin pa rin ng VCM ang kanilang balota.
Para naman makasiguro na hindi mag-o-over vote ay pinayuhan ni Arabe ang mga botante na magdala ng kodigo o listahan ng mga kandidato na kanilang iboboto.





Comments