Pulis niratrat ng riding-in-tandem, utas
- Jeff Tumbado
- May 5, 2019
- 1 min read

DEAD-ON-THE-SPOT sa pamamaril ng riding-in-tandem ang isang pulis habang ito ay nasa labas ng kanyang bahay sa isang subdibisyon sa Lapu-Lapu City, gabi ng Biyernes.
Apat na tama ng bala ng baril ang dahilan ng agarang pagkasawi ni Police Master Sergeant Joseph Villamor, nakatalaga sa Philippine National Police-Maritime Group sa Camp Crame, Quezon City.
Sa imbestigasyon ni Police Master Sergeant Rudy Janagap, alas-9:00 ng gabi habang may kausap sa cellphone si Villamor sa labas ng kanyang bahay nang tumigil sa harapan nito ang dalawang lalaki na sakay ng motorsiklo kung saan agad siyang pinagbabaril ng angkas.
Sinasabing nasa loob ng bahay ang live-in partner ng biktima na isa ring pulis na nakatalaga at tinangka pa umano nitong habulin ang mga salarin at gantihan.
Inaalam pa ng pulisya kung ano ang motibo ng mga suspek sa pagpaslang kay Villamor na dati nang itinalaga sa Lapu-Lapu City Police Intelligence Branch bago napunta sa PNP-Maritime Group.
Napag-alaman na umuwi ng Lapu-Lapu City si Villamor para dumalo sa hearing sa isang drug personality na una nilang naaresto noong nasa Intel unit pa ito.





Comments