PFF, MULING BUBUHAYIN ANG FOOTBALL LEAGUE
- A. Servinio
- May 5, 2019
- 2 min read

PINUTOL na ng Philippine Football Federation (PFF) ang kasunduan nila sa mga tagapangasiwa ng Philippine Premier League (PPL) noong Biyernes.
Dahil dito, natigil ang problemadong liga pagkatapos ng dalawang laro lamang noong Abril 27 sa Rizal Memorial Stadium.
Gumawa agad ng hakbang ang PFF na buhayin muli ang Philippines Football League (PFL), ang liga na tumakbo ng dalawang taon bago ito sinara at pinalitan ng PPL. Magpapatawag ang presidente ng PFF na si Mariano V. Araneta Jr. ng isang pulong ng mga koponan para makapagsimula ng bagong liga bago matapos ang kasalukuyang buwan.
Nakapagtataka na biglang tumahimik ang PPL at hindi naglabas ng mga laro para sa mga sumunod na araw. Matatandaan na nagtabla ang Mendiola FC 1991 at Philippine Air Force sa unang laro, 2-2, at sinundan ito ng tagumpay ng Kaya F.C.-Iloilo sa Green Archers United, 3-0.
Maliban sa apat na nabanggit na koponan, inaasahang pupunta sa pulong ang Ceres Negros at dalawang koponan na biglang umatras sa bisperas ng pagbukas ng PPL, ang Stallion Laguna at Makati.
Ang Ceres ay nag-kampeon ng dalawang beses sa dalawang taon ng PFL mula 2017 hanggang 2018 habang ang Kaya ang nagkampeon sa unang edisyon ng Copa Paulino Alcantara noong 2018.
Inaasahan na makabubuo ng liga na may sapat na koponan at dami ng laro para makilala ayon sa mga alituntunin ng Asian Football Confederation (AFC) at FIFA.
Sa ngayon, ang Ceres, Kaya, Green Archers, Stallion at Makati ang nabibigyan ng lisensya habang may aplikasyon ang PAF at Mendiola.
Mahalaga para sa Pilipinas na magkaroon ng matatag na pambansang liga dahil maliban sa pagtuklas at paghubog ng mga talento, ito ang magsisilbing pinto para makasali ang mga kampeon nito sa mga pandaigdigang palaro tulad ng AFC Champions League at AFC Cup. Sa ngayon, pasok na ang Ceres sa ASEAN Zone semifinals ng 2019 AFC Cup habang nanatiling buhay ang Kaya na samahan sila papasok sa huling araw ng group stages sa darating na linggo.





Comments