Pagpapasaway ng mga kandidato ngayong nalalapit na ang halalan, mas lumalala!
- Ryan B. Sison
- May 5, 2019
- 1 min read

‘YUNG tipong kung kailan nalalapit na ang halalan doon pa dumami ang mga kandidatong pasaway! Hays!
Kinumpirma ng Commission on Elections (Comelec) na habang papalapit ang araw ng midterm elections, lalong lumalala at dumarami ang mga kandidatong pasaway kung saan karamihan sa kanila ay lumalabag sa Comelec rules ngayong halalan.
Ito ay taliwas sa inaasahan ng ahensiya kung saan dapat nagpapabango ang mga ito dahil kaunting araw na lang ay masasaksihan na natin ang hatol ng taumbayan kung sino sa kanila ang iboboto.
Sinabi ni Comelec Spokesman James Jimenez na base sa kanilang rekord ay tila sinasadya na ng mga kandidato ang lumabag sa kanilang mga batas, lalo na sa paglalagay ng mga campaign poster sa mga bawal na lugar dahil nagiging agresibo sila sa pangangampanya at pagpapakilala sa mga botante.
Dahil dito, binaklas na lamang ang mga ito ng mga Comelec officer, kasama ng mga empleyado ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ngunit, idinodokumento muna ito nang sa gayun ay may hawak silang ebidensiya upang maparusahan ang mga ito dahil sa kanilang mga paglabag.
Nakahihiya dahil kung sino pa ang nagpatupad ng batas ay sila pa itong gumagawa ng paraan para malinis ang inyong mga kalat. Tsk!
Ganyan ba ang mga kandidatong gusto nating maupo sa puwesto?
Sa pangangampanya pa lang, eh, talung-talo na dahil sa pagiging iresponsable.
Kaya paulit-ulit nating ipinaalala, vote-wisely, mga ka-BULGAR!
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments