OBIENA, MAHIGPIT NA ANG PAGHAHANDA PARA SA SEAG

UMIIGTING na ang paghahanda para sa nalalapit na SEAG ng Pinoy pole vaulter na si Ernest John Obiena matapos itong sumabak sa world-class competition at kamuntik nang umabot sa podium ng World Classic International Amateur Athletic Federation (IAAF) Diamond League sa Khalifa International Stadium sa Doha, Qatar.
Nagsimula ang sagupaan sa pole vault na nasa pangwalong seedings lang ang Pinoy. Nasa harapan niya at mas pinapaborang mangibabaw sina Brazilian Thiago Braz (may personal best na 6.03 m), Sam Kendricks ng USA (6.0m), Polish gem Piotr Lisek (5.94 m), Konstantinos Filippidis ng Greece (5.91m), ang Amerikanong si Andrew Irwin (5.80), Frenchman Stanley Joseph (5.75 m) at ang Hapones na si Seito Yamamoto (5.75m).
Pero sa dulo ng kompetisyon, pumang-apat ang Pinoy kasosyo ang pambato ng Poland na si Lisek dahil sa inirehistro nilang 5.46m.
Inokupahan nina Kendricks (5.80 m), Braz (5.71m) at Yamamoto (5.61.m) ang mga upuan sa podium.
Si Obiena ay mayroon nang limang puntos pagkatapos ng una sa anim na yugtong Diamond League kagaya ni Lisek samantalang sina Kendricks, Braz at Yamamoto ay may 8, 7 at 6 na puntos ayon sa pagkakasunod-sunod.
Matatandaang noon lang nakaraang buwan, winakasan ni Obiena ang tagtuyot ng bansa sa Asian athletics nang makuha niya ang ginto sa pole vault ng Asian Athletics Championships sa Doha, Qatar.
Tinalo niya ang dalawa sa mga paboritong Intsik na sina Zhang Wei at Huang Bokai.
Malinis na nalagpasan ng 23-anyos na Pinoy ang 5.71 metrong puwesto ng bar para irehistro ang bagong tournament record.
Nauna rito, nalagpasan niya ang 5.41 m. (dalawang talon), 5.51m (isang talon), 5.56 m (tatlong talon) at 5.61 m (tatlong talon) bago sumablay sa unang hirit sa 5.66 m. Dito na siya nagdesisyong asintahin ang 5.71 m.
Taong 1993 pa nang maiposte ni Kazakh Grigoriy Yegorov ang dating marka at ito ay nangyari sa Manila. Sa pagkuha ng ginto, nasundan ang gold medal performance ng Pinay na si Maristella Torres sa long jump may sampung taon na ang nakararaan.





Comments