top of page

Karapatan ng mga barangay kagawad

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 5, 2019
  • 3 min read

ANG mga barangay kagawad ang bumubuo ng local legislative body ng barangay. Ang lipon ng kanilang mga karapatan ay nakapaloob sa Local Government Code of 1991. Bilang mga barangay kagawad, sila ay may karapatan na may kaakibat na responsibilidad tulad ng mga sumusunod:

  1. Magsagawa ng ordinansa (ordinance) na kinakailangan upang maisagawa ang responsibi­lidad na iniatas ng batas o ordinansa at upang isulong ang kapakanan ng mamamayan sa loob ng barangay;

  2. Magsagawa ng mga ordinansa tungkol sa pagbubuwis sang-ayon sa limitasyon na nakapaloob sa probisyon ng Local Government Code;

  3. Magsagawa ng taunan at supplemental na badget sang-ayon sa probisyon ng Local Government Code;

  4. Maglaan para sa pagpapagawa at pagpapanatili ng mga pasilidad ng barangay at iba pang pampublikong proyekto na kukunin mula sa general funds ng barangay;

  5. Magsumite sa sangguniang-panlungsod o sangguninag-bayan ng suhestiyon o rekomendas­yon para sa ikabubuti at ikauunlad ng barangay na kanilang nasasakupan at para sa kapakanan ng mga taong kanilang nasasakupan;

  6. Tumulong at gumabay sa pagtatag ng mga establisimyento, organisasyon at pagpapalakas ng mga kooperatiba sa barangay na maaaring mag­paganda sa kondisyong pang-ekomomiya ng mamamayan sa barangay;

  7. Bigyan ng regulasyon ang paggamit ng multi-purpose halls, pavements, grain/copra dryers at iba pang post-harvest facilities, barangay waterworks, barangay markets, parking areas at iba pang pasilidad na naisagawa gamit ang kaban ng gobyerno sa loob ng hurisdiksiyon ng barangay at magpabayad ng halaga para sa pagpapagamit ng mga ito;

  8. Maglikom o tumanggap ng pera, materyales o boluntaryong trabaho para sa gawaing-pampubliko o kooperatiba mula sa mga residente, may-ari ng lupa, producer at mangangalakal ng nasabing barangay; pera mula sa grants-in-aid subsidies, kontribusyon o mula sa national, provincial, city o municipal funds at iba pang pera mula sa mga pribadong ahensiya at indibidwal. Kinakailangan lamang na ang mga pera o ari-arian na ipinamahagi o donasyon ng mga pribadong ahensiya at indibidwal para sa mga espisipi­kong layunin ay ilalagay sa trust fund ng barangay;

  9. Magbigay ng kompensasyon at rasonableng allowance o per diems at gastusin para sa pagbiyahe ng mga miyembro ng sangguniang-barangay at iba pang opisyales ng barangay sang-ayon sa limitasyon ng badget na itinalaga sa Title V, Book II ng Local Government Code of 1991. Subalit, walang pagtaas ng allowance o kompensasyon o honoraria para sa mga miyembro ng sangguniang-bayan ang magiging epektibo hang­gang sa matapos ang buong termino ng lahat ng mga miyembro ng sangguniang-barangay na nag-apruba ng nasabing pagtaas;

  10. Magsagawa ng mga remedyo upang maiwasan at makontrol ang pagdami ng mga squatter at mahi­hirap sa barangay;

  11. May karapatan ang mga sang­guniang-barangay member na tu­mang­gap ng honoraria, allowance at iba pang emoluments na pinapayagan ng batas o ordinansa ng barangay batay sa probisyon ng Local Government Code. Ang mga nabanggit na benepisyo ay hindi dapat bababa sa P600 para sa bawat miyembro ng sangguniang-barangay;

  12. Ang bawat miyembro ng sang­guniang-barangay ay may karapatan din na makatanggap ng Christmas bonus na humigit-kumulang sa P1,000;

  13. Bukod sa kompensasyon o allowance, may karapatan din ang bawat miyembro ng sangguniang-barangay na magkaroon ng libreng medical care kabilang ang gamot at pagpapa­gamot sa mga pampublikong ospital. Sakop ng nasabing hospital care ang operasyon at gastusin sa pagpapa­opera, gamot, x-rays, laboratory fees at iba pang gastusing pang-ospital. Sa mga pagkakataon ng matinding pangangailangan sa madaliang pagkilos at walang pampublikong ospital o institusyon, ang opisyal ng barangay ay maaaring magpunta sa pinakamalapit na pribadong klinika, ospital o institusyon at ang mga gugugulin sa nasabing klinika o ospital na hindi hihigit sa P5,000 ay maaaring kunin sa pondo ng barangay kung saan ang nasabing opisyal ng barangay ay naglilingkod;

  14. Karapatang makatanggap ng libreng matrikula para sa kanilang mga lehitimong anak na nag-aaral sa state universities o colleges na nasa probinsiya o siyudad kung nasaan ang barangay sa panahon ng panunung­kulan ng mga nabanggit na opisyal ng barangay.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page