6 kulong sa drugs

ARESTADO ang anim na hinihinalang sangkot sa iligal na droga kabilang ang isang babaeng drug pusher na target ng isinagawang buy-bust operation sa Malabon City.
Ayon sa ulat, alas-12:10 ng hatinggabi nang ikasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Team (SDET) sa pangunguna ni PLt. Zoilo Arquillo ang buy-bust operation kontra kay Jerrylyn Baluyot alyas Elen, 49, sa kahabaan ng Inocencia St., Bgy. Tugatog.
Matapos iabot ng suspek ang sachet ng shabu sa pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng P300 marked money, agad lumusob ang back-up na mga operatiba saka inaresto si Baluyot.
Narekober kay Baluyot ang apat na sachets ng hinihinalang shabu at buy-bust money habang arestado rin ang sinasabing parukyano ng suspek na si Richard Luis, 48, matapos makuhanan ng sachet ng shabu.
Alas-3:20 naman ng gabi, nagpapatrulya ang mga tauhan ng PCP-6 sa kahabaan ng Mallari St., San Agustin nang mapansin sina Jeby Santiago, 24; Fernando Frilles, 45; Dave John Pascual, 24, at Maria Kristine de Vera, 27, na abala sa pagsusuri at paghahambing ng mga sachet ng shabu na naging dahilan upang arestuhin ang mga ito at nakumpiska sa kanila ang apat na sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu.





Comments