top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Sistema ng politika sa bansa, habang tumatagal lalong nakadidismaya

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 4, 2019
  • 2 min read

NOONG Martes, ika-30 ng Abril 2019, tatlong sunog ang tumupok sa daan-daang kabahayan sa Bgy. Baesa sa ilalim ng parokya ng San Jose, Manggagawa, Balintawak; Bgy. Sto. Cristo sa ilalim ng parokya ng Sto. Niño, Bago Bantay at Bgy. Bahay Toro sa ilalim ng parokya ng Ina ng Laging Saklolo. Tunay na napakasakit na trahedya ang masunugan.

Sa gitna ng trahedyang ito, isinusulat natin ang konsepto ng 8K-Diretso. Sa mga nagdaang taon, kapansin-pansin ang marahas na pagkamatay ng mahahalagang katangian ng mga Pinoy. Nais nating simulan ang pagninilay tungkol sa walong katangian o prinsipyo na nagbibigay-buhay at sigla sa pagkatao, kaluluwa ng bawat isa maging ang buong Pilipinas.

Sistematiko ang pagwasak sa mga katangian ng mga batayang prinsipyo na bumubuo at nagbibigay-buhay sa pagkatao at kaluluwa ng bawat mamamayan maging ang Pilipinas.

Bagama’t, maraming indibidwal ang namatay sa madugong ‘war on drugs’, ang nanganganib mabawian ng buhay ay ang mismong pagkatao at kaluluwa ng mga Pilipino.

Pansinin nating maigi ang siste­ma­tikong pagwasak at pananaw sa sistema ng politika:

Karangalan, sa tuluy-tuloy na pam­babastos sa kababaihan, banal at personal na espritu ng seksuwalidad; pag­mu­mura, pang-iinsulto sa mga Katoliko, lider ng Simbahan mula sa Santo Papa hanggang sa mga kardinal, Obispo at pari.

Katotohanan, sa malawakang paggamit ng social media upang palaganapin ang kasinungalingan sa pamamagitan ng “fake news”.

Katapatan, sinabi mismo ng anak ng pangulo na “honesty is not important” at bilang paliwanag, sinabi rin niyang wala o bihira lang ang mga ta­pat at malinis na opisyal ng pama­halaan.

Katarungan, noong Pebrero 24, 2017, ikinulong ng pamahalaan si Senadora Leila de Lima batay sa mga bintang na inimbento at kabaligtaran ng katotohanan.

Kasarinlan, sa halip na ipaglaban ang integridad ng teritoryo ng ating bansa, paulit-ulit na sinabi ng pangulo na wala siyang magagawa upang pigilan ang tuluy-tuloy na pagsakop ng China sa Pilipinas.

Katapangan, bahagi ng pagkatao, diwa at pagkilos. Salita, pahayag at kilos batay sa prinsipyo, pananam­pa­lataya at paninindigan.

Kababaang-loob, hindi kailangang mapansin, marinig o katakutan dahil alam sa kanyang kalaliman kung sino at ano ang tao ayon sa kanyang Manlilikha. Gagawing tahimik ang totoo, tama at nararapat.

Kabanalan, aninag ng kabutihan at kagandahang-loob ng Diyos. Nag-uumapaw sa espiritu ng Diyos na kanyang minamahal, sinusunod at pinaglilingkuran sa lahat ng oras.

Gayundin, pinag-uusapan ng opo­sisyon ang “Otso Diretso” o walong kandidatong maaaring nagtataglay ng lakas at pag-asa sa nanlulumong diwa ngunit, nais nating bigyang-halaga ang mga nabanggit na walong katangian, sangkap, prinsipyo na bumubuo sa pagkatao ng mga Pilipino. Ito ang ating itatakbo bukas, ika-5 ng Mayo sa Welcome Rotonda, Quezon City. Sana ay makisali tayong lahat at sama-samang tumakbo ng 8-Diretso.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page