top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Pabuya sa ulo ni Acierto, P10 milyon; kay Peter Lim, P500K lang, ngek!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 4, 2019
  • 2 min read

MABUTI naman at nagpahayag agad si Gen. Guillermo Eleazar, chief ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na walang naganap na barilan sa insidente kung saan mayroong namatay na anim na taong gulang na bata. Namatay si Gian Habal dahil umano sa tama ng bala sa kanyang noo. Isinugod pa ang biktima sa pagamutan ngunit, wala nang nagawa. Ayon kay Cpl. Rocky delos Reyes, may nakabarilan daw siyang suspek sa iligal na droga, pero ayon sa mga testigo, walang naganap na barilan.

Binaril pa umano ni Delos Reyes ang lola ni Gian sa paa nang pigilan siyang makaalis matapos mabaril ang bata. Nakadidismaya, tila hindi na ligtas ngayon sa mga bata ang maglaro sa labas ng kanilang bahay kung may mga pulis na tulad ni Delos Reyes.

Gayundin, napag-alamang may ilang kaso na rin ang pulis na ito tulad ng pagpaputok ng baril noong Disyembre at pagpasok sa trabaho ng lango sa alak o lasing. Ang baril umano na ginamit sa pagpatay sa bata ay personal na baril at hindi ang itinalaga ng Philippine National Police (PNP) kaya may paglabag din ito sa election gun ban.

Pero, kung may mga dating kaso na pala ang pulis, dapat suspendihin na ito at kanselahin na rin ang anumang lisensiya ng baril na hawak nito.

Samantala, nangako naman si Gen. Eleazar na bilang na umano ang araw ni Delos Reyes bilang pulis na haharap pa sa mga kasong kriminal at administratibo. Hindi natin halos maisip, paano na lang kung walang mga testigong nagsalita, tanggapin naman kaya ang pahayag ni Delos Reyes?

◘◘◘

Nahuli na umano ang nag-upload ng mga “Bikoy” video sa social media, pero hinahanap pa kung sino mismo si “Bikoy”.

Samantala, sa ibang balita, naglabas umano ng P10 milyong pabuya para kay Eduardo Acierto, ang nagsiwalat na may ulat sila tungkol kay Michael Yang, ang nagbigay-abiso umano sa pangulo na hindi pinansin ng Palasyo noong panahong ‘yun na pinabulaanan naman ngayon.

Nakapagtataka, bakit kapag ang mga kritiko ng administrasyon ang nagsisiwalat ng kung anu-anong impormasyon, bakit sila ang hinahanap at hinuhuli? Bakit hindi man lang iniimbestigahan ang kanilang mga pahayag? Kapag ang administrasyon ang nag-aakusa tulad ng “Oust Duterte Movement” matrix kung saan ang mga mamamahayag ang tinutukoy na kalaban ng gobyerno, ang pahiwatig ay dapat mahuli silang lahat kahit wala pa namang matibay na ebidensiya.

P10 milyong pabuya para mahuli ang nag-aakusa sa gobyerno, samantalang, P500K lang ang pabuya sa sinumang makahahanap o makahuhuli sa drug lord umanong si Peter Lim (kumpadre raw ng pangulo) na hindi pa rin nahahanap hanggang ngayon, hinahanap nga ba?

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page