Worried na nagmumukhang matanda dahil sa dami ng uban

Dear Doc. Shane,
Sa edad kong 32 ay napakarami ko nang puting buhok o uban. Naiilang ako dahil sa palagay ko ay nagmumukha akong matanda. Sa totoo lang, dahil sa aking namumuting mga buhok ay nababawasan ang aking self-confidence. Marami na rin akong sinubukang paraan, ilang beses na akong nagpakulay ngunit, bumabalik ang puting buhok at tila mas dumarami pa. Sobrang pangit talagang tingnan, ano ba ang sanhi nito? — Gener
Sagot
Sa katotohanan, ang pagputi ng buhok ay hindi maiiwasan habang tayo ay tumatanda. Kapag sumapit ang tao sa kalagitnaan ng edad na 30 ang pagkakaroon ng uban ay unti-unti nang nagsisimula. Bahagi ng normal na pisyolohiya ng katawan ng tao ang pagbabago at paghina ng iba’t ibang sistema kapag tumatanda. Kasabay sa pagbabagong ito ay ang pagbabago sa kulay ng buhok na kung dati ay itim, kalaunan ay nagiging puti.
Ang karaniwang kulay ng buhok nating mga Pinoy ay itim. Ito ay galing sa pigment na tinatawag na melanin. Bawat hibla ng buhok ay nagtataglay ng melanin, may matingkad na melanin (dark) at mayroon ding hindi gaanong matingkad (light) na melanin. Ang kumbinasyon ng dark at light melanin ang lumilikha ng iba pang kulay ng buhok na makikita sa ibang mga lahi.
Unti-unting nababawasan ang melanin kapag tumatanda at nagreresulta ito sa pagputi ng buhok. Aabot ito sa puntong tuluyan nang walang matitirang melanin at magiging puti na ang lahat ng hibla.
Kung bakit nangyayari na nababawasan ang melanin at pumuputi ang buhok ay nananatili pa ring palaisipan sa mga mananaliksik. Ang eksaktong sanhi nito ay hindi pa natutukoy maliban sa koneksiyon nito na may kinalaman sa edad at genetics (genes).
Narito ang ilan sa mga sanhi ng maagang pagputi ng mga buhok:
genes
hydrogen peroxide
paninigarilyo
mataas na bilang ng free radicals sa katawan
kakulangan sa Vitamin B12
Narito ang ilang mga paraan upang hindi lumala ang pagputi ng mga buhok:
Itigil ang paninigarilyo — para sa mga taong naninigarilyo, mas makabubuti na huminto na sa bisyong ito. Malaki ang masamang epekto ng mga kemikal na nagmumula sa sigarilyo. Ang maagang pagputi ng buhok ay isa sa mga hindi magandang dulot ng bisyong ito.
Bigyan ng sapat na Vitamin B12 ang katawan — ang Vitamin B12 ay mahalaga para mapanatili ang malusog na pagtubo ng mga buhok. Ito ay makukuha sa mga produktong mula sa hayop tulad ng karne, isda, manok, itlog at gatas.
Sikapin na magkaroon ng regular na ehersisyo — ang madalas na pag-eehersisyo ay maganda para sa pangkalahatang kalusugan ng katawan. Hindi lamang napananatili ang mabuting kalusugan kundi napabubuti rin nito ang magandang daloy ng dugo kasama ang anit. Ito ay magreresulta sa maayos na tubo ng buhok at makapipigil sa agad na pagkakaroon ng uban.
Iwasan ang pagkain ng junk foods o hindi masusustansiyang pagkain at labis na pag-inom ng alak — ang labis na pagkonsumo ng mga pagkaing walang sustansiya ay madaling makatanda ng hitsura. Kaya kung seryoso na magmukhang bata, piliin ang tamang pagkain at iwasan ang junk foods.





Comments