Mas maikling oras ng trabaho, oks


ISINUSULONG sa Kamara ang panukalang-batas na layong bawasan ang oras ng trabaho kada linggo.
Mula sa 40-hour work week, magiging 35 oras na lamang ito kung mapagbibigyan.
Mas magiging kapaki-pakinabang umano ang mga manggagawa at napapanahon ito, lalo na at marami nang nagbago sa teknolohiya.
May mga grupo ng manggagawa na pabor ngunit, mayroon ding hindi. Hirit ng mga pabor sa isinusulong na panukala kung mapagbibigyan ito, magkakaroon ng puwang para sa pang-apat na shift ang dating tatlong shift lamang, gayundin, magkakaroon ng mas maraming oras para sa pamilya.
Ito ay dahil base sa datos ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Labor Force Survey (LFS) ng Philippine Statistics Authority (PSA) na inilabas noong Marso ng kasalukuyang taon, 5.2% o halos 2.2 milyong Pinoy ang walang trabaho.
Samantala, ayon sa mga hindi pabor, walang dahilan upang baguhin ang nakasanayang 8-hour work day at sa halip ay ayusin na lamang ng gobyerno ang sahod at benepisyo ng mga manggagawa.
Kung maipatutupad ang naturang panukala, good news ito dahil mas marami nang oras ang mailalaan para sa pamilya, gayundin, upang makagawa ng iba pang pagkakakitaan.





Comments